KAHIT walang dating sa tao at dehins pumapalo sa mga survey ay buo pa rin ang loob ng mga beterano sa Liberal Party na isabak pa rin itong si Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas sa 2016 presidential election.
Ito ang itinatakbo ng mga pahayag ng LP oldies lalo’t higit sina Budget Sec. Butch Abad, Mel Sarmiento at Rep. Egay Erice.
Malinaw sa mga galaw at kilos ng LP oldies na hindi sila kumbinsido na taga-labas ang kanilang maging pambato sa 2016 dahil mayroon naman daw silang materyales sa katauhan ng asawa ni Korina na si Mar.
Kitang-kita rin sa movement ng mga pro-Mar Roxas na gagawin nila lahat ang kanilang magagawa huwag lamang mapunta kay Grace Poe ang laban sa pagka-Pangulo dala ang bandera ng LP.
Sa pinakahuling pangyayari, mismong si Pangulong Noynoy Aquino na ang nagdadalawang-isip sa kakayahan ni Roxas na manalo sa 2016 kaya binuksan na ng anak ni Cory ang pintuan para sa ibang may ambisyon at tyansang manalo.
Kung si PNoy ang masusunod at tatanungin ngayon, itutulak niya si Poe ang maging pambato ng LP dahil bukod sa wala itong isyu ng pork barrel at kurapsyon ay mabango pa ito sa tao.
Lumabas kasi sa mga pag-aaral ng halos lahat ng survey firms na naghahanap ang tao ng bagong mukha at dito out sina Vice President Jojo Binay at Roxas.
Maging si Feliciano Belmonte, pinuno ng Kamara ay bukas na ang kaisipan na maglaban ng ibang kandidato ang LP maliban kay Roxas dahil bilang beteranong politiko ay alam niya ang may kapasidad at kapabilidad na manalo.
Sa lahat halos ng survey magmula pa noong nakaraang taon ay lagi na lamang nangungulelat si Roxas habang si Poe naman ay patuloy sa pag-angat.
Dumidikit na nga nang husto ang rating nito kay Binay at nalagpasan na niya ang iba pang sinasabing mga contender sa pagka-Pangulo. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO