MAINIT na naman ang usapin sa Valley Fault Line at ang posibilidad na yanigin tayo anomang araw.
Natural lamang ang ganitong pag-alala dahil sa nangyari sa Nepal na magkasunod na 7.9 at 7.2 na lindol.
Malamang walang ibang mabigat na isyu kaya ibinaling muli sa Valley Fault Line ang balita. Recycled na ang balitang ito at pare-pareho na lang ang sinasabi ng Philvolcs at ni Renato Solidum.
Don’t get me wrong … importante na bukas ang mata at isip ng mga taga-Metro Manila sa nalalapit na pagyanig ng 7.2 na lindol dito para mas maraming makaligtas at mailigtas.
Ang kapuna-puna lang ay ang tendency ng media na idikta ang mga isyu na pababagain. Ganyan kasi minsan ‘pag walang istorya.
Ang maganda namang idudulot nito ay mas maraming namumulat sa trahedyang nagbabadya sa ating lahat.
Sana nama’y gamitin natin ang impormasyong ito para maiwasan ang pinsalang maaari nitong idulot sa ating siyudad, komunidad, o pamilya.
Naalala ko tuloy noong 2011 nang unang linabas ng Phivolcs ang listahan o mapa ng mga tinatamaan ng faultline.
Tinanong ko ang aking mayor na si Del De Guzman ng Marikina, “Mayor, pagdating sa information na ito … ano ang policy ninyo? Mas mahalaga ba ang buhay? O ang property values?”
Mabuti na lang talaga na may puso ang aming mayor dahil ang sagot n’ya ay buhay ang mas mahalaga.
Kaya binigyan niya ako ng go signal na maglabas ng mapa na nagdedetalye ng faultline na nasa Marikina.
Ito’y nilabas namin sa aming lokal na pahayagan para malaman ng mga Marikenyo kung saan ang faultline.
Mas mahalaga ang buhay.
Dapat malaman ng publiko kung saan eksakto ang faultline na ‘yan para makapagdesisyon sila para sa ikabubuti nila.
Tulad niyan, 2.1 kms. lang out of 90 kms. ng faultline ang nasa Marikina.
Kakaunti lang ang may alam niyan. Pero dahil sa linabas na atlas ni Solidum ay mas marami na ngayon ang makagagawa ng informed decision.
Sana huwag ipagkait ng mga opisyal ang impormasyong ito sa publiko.
Mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa maaaring ibababa ng halaga ng property values sa Metro Manila. ABISO/PAUL EDWARD P. SISON
