HINDI ko alam kung ano ang nagiging batayan ng Department of Public Works and Highways at ng Road Board sa pagpili nito ng mga kalsadang kukumpunihin dahil tila lumalabas na hindi naman ito batay sa kasalukuyan nitong kondisyon.
Napakarami tayong nadaraanang kalsada na buo pa at maayos pa naman ang kalagayan subalit nitong mga nakalipas na buwan ay kabi-kabila sa mga ito ang binubungkal upang kumpunihin.
Dahil dito, lalo pang tumindi ang sitwasyon ng trapiko sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan dahil sa napakaraming kalsadang kinukumpuni samantalang ang mga ito’y hindi pa naman dapat pinakikialaman.
Napaghahalata tuloy na abala na naman ang ilan sa ating mga opisyal sa kanilang fund raising campaign at ang ganitong mga public works project ang ginagawa nilang gatasan.
Ang mas nakapagtataka ay kung bakit habang masigasig ang DPWH at Road Board sa pagpapagawa ng mga kalsadang maayos pa naman ay tila dedma naman ang mga ito sa mga kalunos-lunos na kondisyon ng ilang pangunahing lansangan.
In short, inaayos nila ang mga hindi pa naman dapat ayusin at pinababayaan naman ang mga nangangailangan nang ayusin. Isang halimbawa rito ang C-6 sa may bandang Taguig City na daig pa ang buwan sa rami ng lubak. Kawawang-kawawa ang mga sasakyan na dumaran dito sapagkat halos magkalasog-lasog ang mga suspension ng mga ito sa bako-bakong kalsada.
Ang highway na ito ay partikular na ginawa upang mas madali sana ang biyahe ng mga motoristang galing sa silangang bahagi ng Kamaynilaan at lalawigan ng Rizal upang makalusot papuntang South Expressway at vice-versa.
Ngunit dahil sa kalunos-lunos na kondisyon ng C-6 ay marami sa ating mga kababayan ang iniiwasan na lang ito at mas pinipiling makipagsisikan sa C-5 na dahilan naman ng mabigat na trapik dito.
Ganyan din ang kaso noong napadaan ako sa bandang Sta. Cruz, Zambales hanggang makarating ako sa Dasol, Pangasinan. Bukod sa maalikabok ang kalsada dahil sa kabi-kabilang blacksand mining sa mga baybayin nito, basag-basag na rin ang dati rati’y sementadong kalsada.
Pero kung mapadaan ka sa Manila North Road sa Tarlac, hanggang makarating ka sa dulo ng Ilocos Norte, halos sunod-sunod ang mga highway repair at expansion samantalang matino pa naman ang kondisyon ng mga ito.
Naisip ko tuloy na baka nga sadyang may mga anak ng Diyos pagdating sa pagkalinga ng ating gobyerno. Kahit saan at kahit kailan, uso pa rin talaga ang palakasan sa ating Tuwid na Daan.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon at mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
