MALAKI ang posibilidad na madiskaril ang Bangsamoro Basic Law sa mga daraanan nito at hindi maiimplementa o mapaiiral sa oras ayon sa kagustuhan ng Malakanyang at Moro Islamic Liberation Front.
Maipasa man ang panukalang batas ng Kongreso at mapirmahan ng Pangulo ng bansa, maaaring harangin ang pagpapairal nito sa Supreme Court ng mga hindi sasang-ayon dito.
Kung magdedesisyon agad ang SC sa katwirang wala ni anomang dahilan para isailalim ito sa ligal at konstitusyonal na pagsusuri, dito lang maaring mapairal ang batas.
LABAG SA KONSTITUSYON
Paglabas na paglabas ng inaprubahan ng Kamara na bersyon ng BBL, agad itong pinuna ni Inday Miriam ng Senado sa pagkakaroon umano ng mga lamang labag sa Saligang Batas.
Dahil dito, malamang umanong may haharang dito sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo sa SC.
Sabi ni Inday Miriam, lumikha ang BBL house version ng pamahalaang Moro na kapantay ng pambansang pamahalaan sa kapangyarihan.
Sinasabi umano kasi ng House version na kung ano ang kapangyarihan ng pambansang pamahalaan, ganito rin ang sa pamahalaang Moro at ang masama pa rito, may mga eksklusibong kapangyarihan ang pamahalaang Moro na hindi dapat pakialaman ng pamahalaan.
Nilikha ng Kamara ang pagkakaroon ng pamahalaang Moro ng substate kung tawagin o estado na may sariling kapangyarihan, teritoryo, sakop na mamamayan at pondo.
Paliwanag pa ni Inday Miriam, may hiwalay na ngang estado ang pamahalaang Moro, manggagaling pa sa pambansang pamahalaan ang pondo nito.
Hangga’t hindi naaalis ang mga ito, hindi maaaprubahan ang BBL, todo riin ni Inday Miriam.
TODO-PASALAMAT
Ito namang mga negosyador ng gobyerno na sina Prof. Coronel Miriam-Ferrer at Teresita Deles ay tuwang-tuwa sa pagpasa ng Kamara ng BBL.
Tuwang-tuwa dahil halos lahat umano ng mga mahahalagang nilalaman ng orihinal na panukala ay hindi gaanong nabago.
Kabilang sa mga nanatili umano ang istrakturang pampamahalaan na ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, awtomatikong pagbibigay sa malilikhang pamahalaang Moro ng malaking halaga bilang pondo mula sa pambansang badyet at maaaring pagsapi ng ibang lugar na hindi saklaw ng pamahalaang Moro.
Hindi rin umano nabago ang hatian sa yaman sa lugar na malayong mas malaki ang para sa pamahalaang Moro kaysa pambansang pamahalaan, karapatan ng mga indigenous peoples o tribu at kababaihan.
Kung magharap kaya sina Inday Miriam at ang mga negosyador na sina Ferrer at Deles, hindi kaya magsabunutan ang mga ito, mga Bro?
Hehehe!
SINA IQBAL AT MURAD
Ano nga pala ang nangyari sa imbestigasyon ng Kongreso sa tunay na katauhan nina MILF Chairman Murad Ebrahim at MILF spokesman Mohagher Iqbal?
Nauna kasi rito, sinabi ni ex-Interior Sec. Rafael Alunan na mga Malaysian national ang dalawang lider ng MILF at Malaysian passport ang gamit ng mga ito sa kanilang pagbiyahe-biyahe sa ibang mga bansa.
Wala namang Mohagher Iqbal at Murad Ebrahim na nakalista sa Bureau of Immigration natin.
Ito’y sa kabila ng pagsasabi ng dalawa na pareho silang mga Pinoy at pasaporte ng Pinas ang gamit nila.
Ayon naman sa Malaysia, wala silang nakarehistro na ngalan ng dalawa kaya hindi Malaysian ang mga ito.
Sino ba talaga ang dalawang ito na gustong magkaroon ng sariling pamahalaan at teritoryo sa Pinas at nais namang pagbigyan ng gobyernong Aquino?
Palusot naman ng Malakanyang at mga tuta nila sa Kongreso, hindi naman umano para kina Iqbal at Ebrahim ang BBL kundi para sa mga mamamayang Moro.
REBELDE
Sa kabila ng lahat ng lahat nang natalakay natin dito, hindi naman nababago ang posisyon nina Iqbal at Ebrahim.
Idinideklara nila ang kanilang sarili at libo-libong armadong pwersa nila na mananatili silang rebolusyonaryo hangga’t hindi naipapasa ang BBL na gusto nila.
Nagtayo naman sila ng isang party-list para sa pagsali sa halalan ng bansa subalit wala ni katiting ang mga ito na isuko ang mga armas ng MILF at ito ang sasandalan nila sakaling walang BBL na gusto nila ang lalabas at sa panahon na gusto nila itong pairalin at hawakan.
Sa ibang salita, maaaring magpatuloy ang giyera at ito ang kahulugan ng hindi nila pagsusuko ng armas.
Ngayon, mga Bro, halimbawang maharang ang BBL sa SC at malas na hindi paboran ito ng SC, sakali ngang daraan ito sa Hukuman, ano ba talaga ang magaganap?
Giyera? Aba, lahat ay maghanda-handa na!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
