MUKHANG magkakatotoo ang prediksyong 12-0 ng Team PNoy campaign manager na si Senator Franklin Drilon.
Sa resulta ng pre-election survey ng Social Weather Station na isinagawa noong February 15-17, nakuha ng siyam na kandidato ng Team PNoy ang Magic 12 samantalang tatlo lamang ang nakapasok sa United Nationalist Alliance (UNA) senatorial bets.
Ayon sa tagapagsalita ng Liberal Party na si Eastern Samar Representative Ben Evardone, ipinakikita ng resulta ng SWS survey na hindi kinakagat ng publiko ang mga personal na pag-atake at black propaganda ng UNA laban sa Team Pnoy.
Sinabi rin ni Evardone na ipinamamalas ng survey na nababatid ng mga botante kung sino-sino sa senatorial candidates ang nararapat na maging partners ni Pang. Noynoy Aquino sa pagpapatupad ng kanyang reform agenda.
Bago lumabas ang resulta ng survey, hinamon ni UNA secretary general Navotas Rep. Toby Tiangco si Senator Drilon ng isang friendly “hairstyle” wager. Ani Tiangco, gagayahin niya ang hairstyle ni Drilon kung makaka-12-0 sweep ang Team PNoy sa halalan.
***
ISA si Team PNoy senatorial bet Edgardo “Sonny” Angara sa mga kandidato ng administrasyon na humahataw sa surveys.
Iniuugnay ni Angara sa kanyang adbokasiya para sa edukasyon at trabaho ang pagpuwesto niya sa Top 12 senatorial candidates para sa halalan na nilalaman ng resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia, SWS at Stratpolls.
“Indikasyon ito na nagugustuhan ng tao ang aking pagsusulong ng mga importanteng batas sa edukasyon at trabaho,” ani Angara na kinatawan ng Aurora.
Patuloy na tumataas ang puntos ni Angara sa surveys dahil sa kanyang magandang track record bilang lawmaker at malinis na pangalan at imahe bilang public servant.
Nakapag-sponsor si Angara, na nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang kongresista ng probinsiya, ng maraming mahahalagang batas kaya hinirang siya bilang “most prolific and hardwor-king legislator ng 14th Congress.”
Kabilang dito ang mga batas na nagtataguyod sa mga pamilyang Pinoy at marginalized sectors, tulad ng Expanded Senior Citizens Act – na nag-aalis sa VAT at nagkakaloob ng mga karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa mga nakatatanda – at Magna Carta of Women – na tumitiyak sa mga karapatan at kapakanan ng kababaihan.