HABANG palapit nang palapit ang eleksyon, nagsimula na rin ang “gibaan” sa pagitan ng mga magkakalabang politiko lalo na ang mga tatakbo sa pinakamataas ng posisyon sa darating na pambansang halalan.
Hindi maitatangging isa sa mga target ng “dirty job” sa ngayon ay si Sen. Grace Poe.
Alam ng lahat na si Grace ang isa sa mga nangungunang presidential timber batay sa mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Station.
Nagsimulang upakan si Grace ng mga kalaban sa pulitika nitong mga huling buwan ng 2014 matapos unti-unting kinakitaan ang senadora ng magandang performance sa Senado lalo na ang maayos na handling nito sa mga ginawang committee investigation.
Unang banat kay Grace ay ang kumalat na sticker na sinasabing sinusuportahan niya ang isang politiko na naglalayong tumakbo bilang Presidente.
Pangalawa, ang pagkalat ng isang bookmark na mababasa ang salitang: “Hindi ako ambisyosa.”
At ang pinakahuli ay ang pagkwestyon sa kanyang citizenship.
Makikita na ang inilunsad na “ops” laban kay Grace ay pakana ng mga politikong nagbabalak na tumakbo sa 2016 presidential elections.
Alam ng mga politikong ito na mananalo si Grace kung tumakbo ito sa pagkapangulo kaya habang maaga ay ginigiba o sinisiraan na nila ito sa mata ng publiko.
Mabibigo ang ganitong strategy ng mga traditional politician na sanay sa paninira at naniniwalang matatalo nila ang kanilang mga kalaban.
Sawa na ang publiko sa ganitong style at malamang na karma ang abutin nila sa paninira kay Grace.
Kung tatakbo man si Grace bilang independent o kung siya man ay ieendorso ni Pangulong Noynoy Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party (LP) kailangang paghandaan niya ang tiyak na sunod-sunod na black propaganda na gagawin sa kanya.
Nangyari na ito sa kanyang amang si Da King Fernando Poe, Jr. noong 2004 presidential elections nang binusisi ang kanyang nationality.
Alam na ni Grace ang kanyang gagawin, paghandaan na niya ang mga susunod pang banat laban sa kanya. KANTO’T SULOK/NATS TABOY