SA huling ulat mula sa India, mahigit nang 1,100 katao ang patay dahil sa sobrang init ng panahon.
Umaabot na kasi sa 45-48°C ang init sa ilang lugar sa India na ikinamamatay ng mga tao roon.
Sa atin sa Pinas, may namamatay na rin pero sinasabing may sakit lang ang mga tinatamaan.
Pero hindi napag-aaralan ng mga awtoridad dahil mahal ang awtopsiya at walang panggastos ang mga Pinoy rito.
Aba, sa hirap ng buhay ngayon na dahilan ng pagkakapospon ng libing, dagdag-gastos lang ‘yan.
Isa pa, pera-pera na lang ang awtopsiya at kung mamalas-malasin ka pa, baka iba pa ang magiging resulta ng awtopsiya.
For sale na kasi ang maraming resulta ng awtopsiya sa Pinas at binibili ‘yan ng kumpanyang insurance para hindi magbayad, ng kalaban mo sa kaso para matalo ka o ng pamilya para mailihim sa lipunan ang tunay na dahilan ng kamatayan ng miyembro nila gaya ng AIDS o sadyang pagpatay at iba pa.
ANO BA ANG HEAT WAVE?
Magandang pag-aralan ang heat wave na karaniwang nagaganap tuwing tag-araw sa isang bansa. Pag-iral ng mainit na panahon ang simpleng pakahulugan ng heat wave.
Sa sukatang Celsius na inimbento ni Andres Celcius, isang taga-Sweden na astronomer noong 1701-1744, 100 na bilang pababa sa 0 ang sukatan sa init at lamig, lalo na sa likido.
Kay Celsius, kumukulo ang tubig kung nasa bilang na 0 at nagiging yelo ito sa bilang na 100.
Pagkamatay ni Celsius, binaligtad ng mga siyentista ang panukat at ginawang 0 ang para sa nagyeyelo na tubig at 100 ang para sa kumukulo.
Itong binaligtad na sukatan ngayon ang isa sa mga ginagamit na panukat ng lamig at init, kahit pa ng panahon o ng heat wave.
PATAY KA SA 45-48°C
Dalawang pirma na lang ng langggam, sabi nila, ang kailangan bago magsimulang kumulo ang tubig sa 45-48°C!
Kung matitipus na ang isang tao sa init na 40-41, delikado na siya sa ganyang sukatan ng init.
Ang natitipus na tao, sa ospital ang bagsak dahil nasisiraan na ito ng ulo o nagdedeliryo o tumitirik ang mga mata.
Kapag inabot na siya ng 45-48°, sa punerarya at sementeryo ang bagsak niya.
‘Yan ay kung sa buong katawan at paligid nagaganap ang sobrang init.
Ibang usapan, mga Bro, ang sasabuyan ka ng kumukulong tubig ng misis mo sa anomang dahilan. Hehehe!
SA GUTOM NAMAMATAY
Sa pagtama ng heat wave sa mahal kong Pinas, hindi mamamatay dahil sa init ang mga Pinoy. Mamamatay sila dahil sa gutom, lalo na ang mga nabubuhay sa mga sakahan, gulayan, palaisdaan at iba pa.
Aba, halos 60,000 ektarya nang palayan, maisan at gulayan sa Ilocos Norte, Cagayan, Oriental Mindoro, Palawan, Camarines Sur, Masbate, Zamboanga, Bukidnon, Lanao Del Norte, Misamis Oriental, Davao Del Sur, Davao Del Norte, Davao City, Compostela Valley, North Cotabato, South Coatabato, Sarangani, Sultan Kudarat, at Agusan Del Norte ang sinisira ng heat wave.
Iba pa ang mga palaisdaan na natutuyo at nag-iinit na ikinamamatay alagang isda, hipon, alimango at iba pa dahil sa init ng panahon.
Nakararami sa mga magsasaka at mangingisda ang nangungutang ng puhunan.
Ngayon na nasisiraan sila ng mga produkto, wala na silang pambayad sa utang, wala pang pagkukunan ng kita na pambili ng pagkain.
Paano ka hindi mamamatay sa gutom niyan?
PERA-PERA KAHIT SAAN
May pera sa paggawa o pag-repair sa mga kalye, tulay at iba pang imprastraktura at nagmumula rito ang mga komisyon na panggastos sa darating na halalan, bukod sa pangtiyak ng laman ng bulsa ng mga politiko at kasabwat nilang mga kontraktor at taga-pamahalaan.
Bulong ng ating Uzi, mga Bro, madali ang pera rito, lalo na sa bayes hagi ng mga politikong malapit sa kusina…sa mga taga-Malakanyang.
‘Yun bang === kung kaalyado ka o sumusunod at magsipsip ka sa Malakanyang para sa anomang kagustuhan nito.
Sa Bangsamoro Basic Law, may balitang pinangakuan ang mga kongresman na bomoto ng “yes” sa Ad Hoc Committee na humahawak ng imbestigasyon in aid of legislation sa BBL.
May P1-milyong pa umanong cash na pabaon?
Totoo ba ito, ha, kayong miniting sa Malakanyang bago nagkaroon ng botohan?
TULONG ANG KAILANGAN
Pero nasaan ang tulong sa mga magsasaka at mangingisda, lalo na mula sa pamahalaan?
Ito ang nararapat na tanong dahil nakikitang nagbubuhos ng malaking salaping bayan ngayon ang pamahalaan para sa mga politiko.
Sa imprastraktura gumagastos ang pamahalaan at direktang tumutulong ang gobyerno sa mga politiko.
Nasaan ang direktang tulong ng gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda?
Wala tayong nababasa!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA