SA una nating kolum, nagtanong tayo sa huli, “matapos magnakaw, magsinungaling at magturo ng isang kasabwat sa katiwalian at korapsyon, libre na ba sila sa pananagutan, parusa at pagkakasalang kriminal?”
Iyan ay tungkol kina dating kaibigan at kaalyadong pulitikal ni Vice President Jejomar “Jojo” Binay, Makati Vice Mayor Ernesto Mercado at Atty. Renato Bondal.
Mga testigo ng mapanira at astang mga hukom ng Senado ngayon ang mga ito.
LILINAWIN ko lang, kahit tumakbo pa ng sampung beses sa pagka-Pangulo si VP Jojo Binay, hinding-hindi ko siya iboboto kahit minsan!
Opo, korap kasi siya gaya ng mga bintang, eh.
Korap katulad ng lahat na politiko natin ngayon.
Kung mayroon mang matino na politiko ngayon, mabibilang sila sa ating mga daliri sa kamay at paa lamang!
Aber, humakbang nga sa harap ng taumbayan ang hindi sangkot, nasasangkot at patuloy na sangkot sa krimen ng korapsyon at katiwalian lalo na ngayon sa rehimen ni Benigno Aquino III (BSA3) ngayon?
Ang habol natin, hindi komo nagsalita na ng kanilang alam sa mga nangyari na katiwalian – nagnakaw, nagsinungaling at nagturo – ay libre na sila sa pananagutang kriminal sa bayan at mamamayan!
Bakit hindi noong una pa lamang ay lumutang na sila kung totoo na hindi raw nila masikmura ang krimen ng malalang korapsyon at katiwalian ng dati nilang kaibigan at kaalyadong pulitikal?
Katulad ni dating Vice-Mayor Ernesto Mercado, bakit siya biglang naging kritikal na kaaway at tesitgo kontra kay Jojo Binay ngayon?
Lehitimo ba ang kanyang ingay at pagtuturo o “SAKIT LANG NG KALOOBAN” dahil hindi tinupad ni Jojo ang sumpaan nila na “siya ang itatakbong mayor ng Makati kapag natapos ang termino ng una?
Inamin ni VM Mercado na Malaki rin ang kanyang parte sa nakawan sa Makati, period!
Pag-amin sa krimen na may parusang habambuhay.
Swerte nga siya, sila, eh, dahil wala ng parusa na BITAY!
Katulad din ng nangyari kay Ruby Tuason na itinurong “bagman” sa Senado sa isyu ng Janet Napoles PDAF scam.
Nasgsalita si Ruby, umamin sa krimen pero “isinauli lang ang P40 milyon na parte raw ng kanyang nakulimbat, malayang-malaya na?
Si whistleblower ding Benhur Luy ay sinasabi ngayon na may bank account na hindi bababa sa P150-milyon ang deposito, libre na rin ba sa batas ng pananagutan dahil deklarado na siya bilang isang “whistle blower?”
Sabi ng liderato ng Senado ngayon, pati ang Justice Department ni Sec. Leila de Lima, protektado raw to the max at walang pananagutang kriminal ang whistleblowers kahit na sila ay NAGNAKAW, NABUKO, NAGSINUNGALING AT NAGTUTURO NG KUNG SINO-SINO.
Pili lang ang itinutro ng mga ito. Ukinnayo! BALETODO/ED VERZOLA