MARAMI namang pwedeng lokohin, bakit si Mar Roxas II pa? Hindi maganda ang ginagawa ng ilang kasapi ng Liberal Party (LP) na pangungumbinsi kay Pangulong Benigno Aquino III na gawing kandidato sa pagka-Pangulo si Roxas ng LP para sa halalang 2016 dahil siya lamang ang tiyak na magpapatuloy ng ‘Tuwid na Eaan,’ ang gabay ng kasalukuyang administrasyon.
Ano ang ipagpapatuloy ni Roxas sa Tuwid na Daan, samantalang wala naman siyang ginawa habang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na masasabi nating bahagi ng Tuwid na Daan?
Aber? Ano ang ginawa ni Roxas hinggil sa mga graft and corruption issue laban kay Director General Alan Madrid Purisima, ang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP)?
Ano ang ginawa ni Roxas sa mga pulis na sangkot at patong sa iligal na sugal? Ano ang ginawa ni Roxas sa isang Supt. Trajano na ibinulgar ng dalawang kolumnista rito sa Remate na bagman umano ng isang mataas na opisyal sa Southern Police District (SPD)?
Ano ang ginawa ni Roxas sa kapalpakan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na inspeksiyunin ang lahat ng establisimyento, pabrika, at iba pang negosyo sa buong bansa?
Ano ang ginawa ni Roxas upang intindihin ang kalagayan ng mga bilanggo sa lahat ng bilangguang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)?
Ano ang ginawa ni Roxas upang matiyak na mataas ang kalidad ng paglilingkod ng lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa sa mamamayan?
Sa totoo lang, walang nagawa si Roxas upang ang DILG ay makatulong sa pagtatagumpay ng Tuwid na Daan ni Pangulong Aquino.
Tapos may mga opisyal at kasapi ng LP ang sagad-saring niloloko si Mar Roxas na siya lamang sa mga taga-LP ang tanging makapagtutuloy ng Tuwid na Daan.
Huwag n’yo nang lokohin si Mar Roxas. Hindi ‘yan kaya ni Roxas. Hindi niya kayang pamunuan at pamahalaan ang pamahalaan.
DILG nga lang ay hindi kaya ni Roxas, buong pamahalaan pa kaya?
Araneta Center nga lang ay hindi kaya ni Roxas patinuin ang daloy ng mga sasakyan. Buong bansa pa kaya?
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA