HINDI nga ba maaaring sitahin ng mga tauhan ng isang barangay ang mga kagawad ng Philippine National Police, lalo na kung ito’y nakasuot pa ng kanilang uniporme?
Noong nakalipas na Mayo 22, pasado alas-2:00 ng madaling-araw ay nasita ng mga rumorondang volunteer ng Bgy. Batasan Hills ang pulis na umiihi sa gitna ng IBP Rd., partikular sa may tapat ng Congress at Civil Service Commission o CSC.
Sa sumbong ng mga volunteer ng Bgy. Batasan Hills kay Quezon City 2nd Dist. Councilor Ranulfo Luduvico, napag-alaman ng Lily’s Files na bago sitahin ng mga volunteer ng nasabing barangay itong si PO1 Aquino, kasama ang isa pang hindi kilalang pulis, ay nanghuli muna ito ng truck sa may kahabaan ng IBP Road sa tapat mismo ng Congress at CSC sakay ng isang Revo na mobile na may body No. QC-20.
Sinasabing matapos hulihin ng mga pulis ang isang truck ay pinawalan din ito matapos na mag-abot ng hindi matiyak na bagay ang ‘di kilalang driver sa mga pulis.
Hindi pinansin ng mga barangay volunteer ang nasabing panghuhuli ng mga pulis hanggang sa nakita nilang umiihi sa gitna ng kalsada ang naka-unipormeng pulis na kasama nga nitong si POI Aquino na napag-alamang kapwa naka-assign sa Batasan Police Station 6 ng QCPD.
Nilapitan ng mga volunteer ang pulis na umiihi at sa halip na humingi ng paumanhin ay nakipagtalo pa raw itong si POI Aquino sa volunteers at nagsalita ng “Pulis, sisitahin ng tanod, nagbabasa ba kayo ng batas?”
Wow, astig talaga nitong pulis na si Aquino, bakit kamag-anak mo ba si Pangulong Aquino? Ang kapal ng mukha ng pulis na ito. PO1 pa lang pero kung makaasta akala mo heneral na, paano pa kaya kapag na-promote ito at naging PO2?
Baka hindi alam ng mga pulis na ito na bawal na bawal ang umihi sa kalsada o kalye at sa katunayan ay isa itong City Ordinance na ang sinomang mahuhuli ay maaaring makulong at magmulta.
Kung hindi alam ni POI Aquino at kasama nito na bawal ang umihi sa kalsada, aba, eh, maaari na kayong mamundok at umalis sa pagkapulis.
Nakahihiya kayo at ikahihiya kayo ng pamunuan ng QCPD.
Ang lalong nakahihiya pa nito itong si PO1 Aquino at ang kasama nitong umihi sa kalsada ay kapwa naka-uniporme.
Napag-alamang ang mga nasabing barangay volunteer ay mga volunteer ni Councilor Luduvico na nagseserbisyo nang libre para sa ikagaganda ng nasabing barangay.
Ayon sa ating mga nakausap na volunteer, habang nakikipagtalo raw itong si PO1 Aquino sa kanila ay langhap na langhap nila ang amoy chico na pulis na ang ibig-sabihin ay nakainom ng alak.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09353110472 at 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES
