KUNG pagbabatayan natin ang mga special report na inilabas ng iba’t ibang himpilan ng telebisyon, talagang handa na nga ang Department of Education (DEPED) sa darating na pasukan.
Milyon-milyon ang mga papasok na estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo.
Mapalad yaong mga papasok sa pribadong eskwelahan dahil kahit papaano, maayos ang kanilang papasukan.
Teka, kasado na ba at epektibo na ngayong taon ang K-12 ng DepEd at mga komersyalistang may-ari at may control sa pambansang edukasyon?
Ang matindi pa, ‘yaong pagpayag ng Commission on Higher Education sa mahigit 300 na eskwelahan para magtaas uli ng bayad turo o tuition fee!
ANG TOTOONG ANYO
Sa mga ipinalabas sa telebisyon tungkol sa nalalapit na pasukan, mas ipinakita ang totoong anyo ng mga pampublikong paaralan lalo na sa elementarya.
Matindi ang coverage ng “balik-eskwela” at “brigada eskwela” na nagpapakita ng “bayanihan” daw para maayos ang mga sirang gamit at magmukhang bago ang mga gusaling paaralan.
Okay iyon.
Pero ang mga ipinakitang inayos ng “brigada eskwela” ay yaon lang mga nasa urbanidad.
Papaano yaong mga nasa malayong lugar na sinira ng bagyo?
Marami pa ang wasak at tanging sa tents lang nag-aaral ang mga mag-aaral?
Papaano yaong mga eskwela na giba-giba na dahil maagang nasira sa korapsyon ng nagpagawa.
Papaano yaong mga eskwela na kailangan pang tumawid ng ilog na malakas ang agos, rumaragasa?
Makabagong panahon na, sinaunang parusa pa para sa mga estudyante ng pampublikong eskwelahan?
BALEWALA SA MGA POLITIKO
Ang mga hinudurupot na politiko naman, balewala lang.
Ang laki ng pondo ng munisipyo’t siyudad, isama pa ang PDAF ng mga suwapang na mambabatas, tumatawid pa rin sa panganib ang mga mag-aaral natin lalo na yaong nasa malalayong lugar?
SAAN BA KAYO KUMUKUHA NG KAPAL NG INYONG MUKHA!??!
Ito namang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), todo-yabang sa kanilang “press releases” o media advertisements na daan-daang classrooms na raw ang naipagawa at gagawin pang libo-libo.
Meron namang nagawa sila ngunit mas malaki ang gastos sa kanilang TV at radio commercials para lang ipaalam ang ipinagawa nilang mga eskwelahan.
At muli, mas marami ang nagawa sa urban kaysa rural o malalayong lalawigan.
MGA DAPAT HARAPIN
Ito ang dapat na harapin mo, DepEd Sec. Armin Luistro. Pasukan na, may mga kwarto-eskwela ba na sapat para sa mga mag-aaral ngayong taon na ito?
Nasubukan mo na ba, Sec Luistro, na bisitahin yaong mga eskwelahan sa mga bundok at malalayong komunidad?
Alam mo ba na pawid lang ang dingding, sira-sira ang silya, walang chalk ang maestro’t maestra?
Nakatawid ka na ba sa mga ilog at bangin patungo sa kanilang eskwela?
Maski ang mga libro sa malalayong nayon ay sinauna pa rin.
Handa na ba ang DepEd talaga?
Pasukan na, may mga sapat na bang kwarto, eskwela’t mga libro na ba? BALETODO/ED VERZOLA