HINDI maikakailang nauna pang pumasok ang political season kaysa sa wet season o tag-ulan dito sa bansa.
Ngayon pa lamang ay nagbabanatan na ang iba’t ibang kampo at naglabasan na rin ang mga political ad ng mga nagbabalak tumakbo bilang Pangulo sa susunod na taon.
Katulad halimbawa ni dating Sen. Ping Lacson na bagama’t hindi pa nagdedeklara ay may TV ad na obvious na nakadisenyo para kilitiin ang interes ng buong bayan sa kanya.
Nandiyan na rin ang political ad ni Davao City Mayor Rudy Duterte na nakaangkla sa imahe niyang astig pero maawain daw.
Mukhang sablay naman ang linya ng political ad ni Sen. Alan Peter Cayetano dahil sa voice over nito na nagsasabing “binabago raw niya (Cayetano) ang estilo ng mga kurakot”.
Ibig bang sabihin nito ay kurakot din siya kaya lang ay iba ang estilo niya? Hehe!! Nagtatanong lang naman.
Si VP Jojo Binay naman, gaya ng inaasahan, ay ibinibida sa TV ad niya ang mga nagawa na niya sa Makati City.
Pero kapansin-pansin na hanggang ngayon ay pinaninindigan pa rin ni Sen. Grace Poe, na isa sa mga nangunguna sa mga poll survey, ang pagtanggi kung tatakbo ba siya o hindi sa susunod na taon.
Pero bagama’t wala pang pormal na deklarasyon, makikita naman sa mga kilos niya na interesado rin siya sa posisyong pinaglalawayan ng marami.
Pumalag din siya sa banat ni Binay na wala pa siyang karanasan sa pagsasabing integridad at katapatan ang kailangan sa isang lider at hindi puro experience lang.
Nag-iikot na rin siya sa mga probinsya, kasama ang sinasabing gusto niyang maka-tandem na si Sen. Chiz Escudero.
Pinirmahan din niya ang rekomendasyon ng Senate blue ribbon sub-committee na sampahan ng kaso si VP Binay, ang anak nitong si Makati Mayor Junjun Binay at maraming iba pa kaugnay ng maanomalya umanong pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.
Maliwanag na deklarasyon ito na kumalas na siya sa anomang ugnayan niya sa mga Binay.
Kaya naman hindi kataka-taka na agad din siyang binira ng UNA na nagsabing hindi siya pwedeng tumakbo sa 2016 sa pagka-Pangulo dahil sa residency issue niya.
Tuluyan na ngang umiinit ang pulitika at sa huli sana naman ay matuto na ang mga botante na mamili ng mga totoong may kakayahang mamuno at huwag magpadala sa mga kandidatong inilako lang sa atin ng kanilang mga media handler. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
