TULAD ng nauna na nating pahayag, hindi papayag si C/Supt. Richard Albano na ‘lip service’ lang ang Oplan Lambat-Sibat sa Region 4A.
Kaya naman kahit isang buwan pa lamang sa puwesto, kaagad nagbunga ang proyektong ito ni Sec. Mar Roxas sa rehiyon.
Dahil sa positibong resulta ng Oplan, napasugod si Sec. Mar sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna noong Lunes (Hunyo 1, 2015). Sa isinagawang flag raising ceremony, pinuri ng kalihim si Gen. Albano at ang kapulisan ng rehiyon dahil sa tagumpay ng programa.
Si Gen. Albano ay nahirang na R4A director noong Abril 27.
Sa kanyang ulat kay Sec. Mar, sinabi ng heneral na sa nakaraang buwan ng Mayo, nadakip ng kapulisan ng rehiyon ang 1,147 drug pushers at users.
Limampu’t dalawang (52) wanted persons sa Batangas, Laguna, Quezon, Cavite at Rizal ay naaresto sa ipinaiiral na Oplan Lambat-Sibat.
Sa kabuuan, ang insidente ng krimen sa Calabarzon noong Mayo ay bumaba ng 103 mula sa 169 insidente kada buwan.
Dahil sa programang ito ni Sec. Mar, nakakumpiska ang R4A operatives ng 328 loose firearms at 1,661 suspected ‘hot’ motorcycles.
Kudos kay Gen. Albano, mga opisyal at pulis na nagtrabaho para pumatok sa R4A ang Oplan Lambat–Sibat ni SILG.
Sa ating palagay, hindi matatapos ang papuri na tatanggapin ng R4A habang nariyan ang tinaguriang ‘Nero Wolfe’ ng PNP.
Siya’y kilalang walang puso sa kriminal, ngunit hindi rin natutuwa si Gen. Albano sa mga opisyal at pulis na natutulog sa pansitan.
Kaya ‘di nakapagtatakang sa susunod na mga araw, tiyak na magkakaroon ng rigodon sa mga chief-of-police sa rehiyon.
Dahil magaling na intelligence officer, hindi rin makatatakas sa sensya ni Gen. Albano ang mga pulis na may angking kagaguhan.
Ayaw ang mga commander na puro ngawngaw lang, ang hanap niya’y mga opisyal na kayang mag-deliver – ‘yun bang nagtatrabaho.
Kaya parang nakikinita natin na bilang na ang araw ng mga tamad na CoPs diyan sa R4A. CHOKEPOINT/BONG PADUA