ANG alingasngas sa mga nakalipas na linggo ay kung maaaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL) o maibabasura ito na tulad ng kagustuhan ng karamihan ng mamamayan.
Biglang ibinaling ng House of Representatives ang atensyon nito sa Charter change (Cha-Cha) at inaprubahan sa second reading noong isang linggo ang Resolution of Both Houses (RBH 1), na nais maglagay ng mga pagbabago sa 1987 Constitution.
Nagbabala si Party-list Representative Terry Ridon na ang muling pagsusulong ng Cha-Cha ay maaaring mauwi sa senaryong “no election (no-el),” lalo na’t nahihirapan ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda para sa susunod na halalan.
“There is no stopping administration stalwarts in the House to sneak in political Cha-Cha, otherwise known as term extension (para sa Pangulo),” pahayag ni Ridon.
Ayon sa Malacañan, walang batayan ang pahayag ni Ridon dahil ang nais ng RBH 1 ay pagbabago sa probisyong pang-ekonomiya at hindi pampulitika ng Konstitusyon.
Naniniwala si House Majority Leader Neptali Gonzales II na ang senaryong “no-el” ay hindi mangyayari.
Hindi raw papayag ang Senado na maamyendahan ang probisyong pampulitika dahil ayaw ng publiko sa Cha-Cha, na maaari ring makaapekto sa plano ng ibang nagbabalak tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.
Ang hinala ng iba’y isinusulong muli ang Cha-Cha hindi para magpalawig ng termino, kundi para maaprubahan ang BBL. Masisisi ba natin sila?
Nagpahayag si Gonzales noong Linggo na ang RBH 1 ay pwedeng pagbotohan para sa “third and final reading” nang una sa BBL kung hindi bababa sa 250 ng 290 miyembro ng House ang magpapakita sa plenaryo.
Tinukoy ni Senador Miriam Defensor-Santiago, at pati na ng ilan niyang kabaro, ang mga hindi pagkakatugma ng BBL sa Konstitusyon, at nagpahayag na: “The Senate and the House acting only by themselves cannot approve the proposed BBL in its present form. It has to be promulgated by nothing less than an amendment to the Constitution.”
Bakit minamadali ang Cha-Cha sa panahong ito?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.