SA unang araw ng pagbubukas ng klase noong Lunes ay pormal na ring ipinatupad ng Aquino Government ang programang K+12 sa kabila ng protestang ginagawa ng iba’t ibang sektor at maging ng mga magulang ng mga estudyante at mga guro.
Bagama’t tensyonado ay hirap din ang mga guro at principal kung paano nila ipatutupad ang Programa ng K+12 ngunit wala silang magawa kundi sumunod sa utos ng DepEd.
Kung pag-iisipang mabuti ay talagang mahihirapan ang mga teacher at principal kung papaano ang kanilang gagawing pagtuturo sa mga senior high school dahil alam naman natin na iba ang itinuturo sa 1st year at 2nd year college.
Ibig bang sabihin nito, ‘yung lesson na pang-college ang ituturo sa mga senior high school? Hindi ba ang nagtuturo nito’y mga professor na? Ang tanong, eh, kaya bang ituro ng mga high school teacher ang lesson na dapat sana’y pang-kolehiyo na.
Aba dapat bago ipinatupad ang Programang K+12 ay pag-isipan munang mabuti ng gobyerno kung nararapat na bang gumaya ang Pilipinas sa ibang bansa dahil napakarami pang katanungan ang dapat na malinawan dito, hindi lang ng mga guro at principal kundi ng mga magulang at estudyante na rin.
Dapat sana’y ipaunawa muna sa publiko ang mga bagay-bagay tungkol sa K+12 upang masagot ang mga negative issue tungkol dito at nagkaroon man lang sana ng konsultasyon.
Bakit nga ba minadali ang implementation ng K+12? Para ba masabi na may nagawa ang Pangulo sa kanyang termino kahit na sabihing palpak ito?
Sabi ng DepEd, maganda ang K+12 dahil after high school ay pwede nang makapagtrabaho ang mga estudyante at pwedeng–pwede nang makapag-abroad at matanggap sa ibang bansa.
Walanghiya, ‘yun pala ang gusto ng gobyerno, ang itaboy ang mga Filipino sa abroad upang doon magtrabaho? Kaya nauubusan tayo ng mga magagaling na doctor, nurse, engineer at iba pang mga professional dahil nasa abroad na lahat.
Pinangangambahan tuloy ngayon na dahil pormal nang ipinatupad ang K-12 ay maiimbak ang mga estudyante ng senior high school, at libo-libo ang mawawalan ng trabaho.
Teka pala, ‘di ba nangangailangan ngayon ang DepEd ng 30,000 guro, eh, ‘di dagdag-gastos na naman ‘yan ng gobyerno at mga magulang? Hindi na nga madagdagan ang sweldo ng mga guro at hindi rin maibigay ang magandang benepisyo sa kanila ay magdadagdag pa ng 30,000 mga guro?
Noong Lunes din, sa pagbubukas ng klase ay malungkot at halata mo sa mukha ng mga guro na hindi nila gusto ang kanilang ginagawa ngunit sino ba naman sila para tumutol, eh, swelduhan lang sila.
Kasabay nito ay nanawagan din ang mga magulang, guro at estudyante na huwag madaliin ang K+12.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09353110472 at 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES