MAY 31, 2015, Linggo, sa halip na magsimba at ibigay ang araw sa pamilya, nagsagawa ng interview sa mga kapus-palad subalit matatalinong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang ilang opisyal at miyembro ng Rotary Club of Malate Prime para sa scholarship aid grant program.
Kulang-kulang 30 katao ang naitala na nagnanais na makakuha ng scholarship aid grant subalit 15 lang ang mapalad na mabibigyan ng tulong ng One Asia Foundation.
Sa mga na-interview, kabilang ang dalawang bata mula sa Pangasinan na ang isa’y may cancer ang padre de pamilya habang ang isa naman ay mismong ang batang nag-aaral ang may cancer at na-stroke ang ama kaya walang naghahanapbuhay sa kanilang pamilya.
Pawang nakaiiyak ang kwento ng buhay ng mga aplikante sa scholarship aid na naging sukatan din upang bigyan sila ng mataas na puntos ng mga interviewer. Lahat sila’y pawang kuwalipikado subalit kailangang pumili ng karapat-dapat na tulungan.
Mayroong nilalakad lang ang kanilang bahay patungo sa eskwela, may baong P5 na pinagkakasya sa meryenda sa maghapon at nagtitiis sa pudpod na tsinelas subalit wala silang reklamo basta matupad ang pagnanais na makatapos sa kanilang pag-aaral na batid nilang mag-aangat sa kanila mula sa kahirapan.
Naibigay ng One Asia Foundation ang tulong pinansiyal sa mga karapat-dapat na scholar. Tatlong libong piso (P3,000.00) bawat buwan na bumubuo sa transportasyon, pagkain at iba pang gastusin sa paaralan.
Masaklap lang ay hindi nakasama ang dalawang batang higit na nangangailangan sapagkat ang kanilang mga marka ay hindi umabot sa panuntunan na 85 general average.
Nakalulungkot sapagkat hindi naman pwedeng baliin ang mga batayan para lang sila mapagbigyan. Kaya naman, napagkasunduan ng pamunan ng RCMP na gumawa ng panibagong proyekto – “Adopt a scholar.”
Bunga nito, nananawagan ang PAKUROT sa mga taong may mabubuting kalooban na nagnanais na makatulong sa mga mag-aaral na nangangailagan ng tulong pinansyal para sa kanilang pag-aaral.
Hindi po kailangan ang napakalaking halaga para tumulong. Ang abot lang po ng iyong makakaya at bukal sa pusong ipagkakaloob ay sapat na.
Pwede pong makipag-ugnayan sa inyong lingkod sa 09215175814 para sa mga karagdagang impormasyon. PAKUROT/LEA BOTONES
