MATAPOS nating isiwalat dito ang pagbebenta ng bulok na Cowhead Chocolate Milk ng Puregold Harbor Point Subic, marami pa ang nagpahayag sa atin ng iba’t ibang insidente kung saan sila ay nakabili sa iba’t ibang sangay ng Puregold ng kung hindi bulok ay hindi na angkop na ikonsumo ng tao.
Ito Ang Totoo: malaking perwisyo sa mamamayan, lalo na sa pangkaraniwang tao, ang pangangailangan pang bumalik para papalitan ang bulok na produkto na kalimitan ay “discounted’ o kaya ay “buy one – take one.”
Kaya nga pumapatol sa “buy one-take one” ay gustong mag-arimuhanan o makatipid ang mamamayan pero dahil sa hindi naman na makain, mainom o makunsumo ng tao at kailangang papalitan, gagastos muli sa pamasahe o gasolina, magbubuhat ng mabigat kung bulto at gugugol ng panahon patungo sa kung saang Puregold sila nadale.
Marami ang hindi na lang nagreklamo o bumalik para magpapalit tulad ng nakabili ng bulok na itlog sa Puregold Dinalupihan, Bataan dahil may kalayuan din sila at may pasok pa sa trabaho kaya walang mag-aasikaso.
Kahit nga bumalik at magpapalit ay pahirapan pa rin kasi akala mo nakaloloko ang management ng Puregold tulad ng sa Harbor Point Subic na sa apat na tig-isang litro ng Cowhead ay tinanggihan pang palitan ang isa.
Ito Ang Totoo: nakasisira ng imahe ng Harbor Point itong Puregold na nagdudulot din ng kahihiyan sa buong Subic Bay Freeport. Ang nakatatakot pa. baka may magkasakit o masawi, kapag may nakakain o nakainom ng bulok na paninda ng Puregold. Bulnerable pa naman ang mga bata, matatanda at may sakit.
Kaya ang mga kinauukulan, dapat hindi magbulag-bulagan sa kapabayaan kung hindi kaganidan ng Puregold.
Panawagan sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority, ganu’n din sa pamunuan ng Harbor Point Subic ng Ayala Malls na maganda ang reputasyon pero nadadawit sa lumalabas na kalokohan ng ‘tenant.”
Pero sana, ang pamunuan mismo ng Puregold ay kumilos na para matigil ang pagbebenta ng bulok na panganib sa kalusugan at buhay ng mamamayan. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
