DAHIL naranasan ko ang Memorial Day sa Amerika nitong huli kong pagbisita roon ay mas umigting ang aking pagiging Pinoy.
Ito ang naramdaman ko noong dumalaw ako sa US kamakailan, nakita ko si President Barack Obama, at naranasan ko ang selebrasyon ng mga Amerikano ng kanilang Memorial Day – ang mahalagang araw ng pag-alala nila sa kanilang heroes of war.
Sa Amerika, tuwing Memorial Day, mararamdaman mo ang matinding pagmamahal ng mga Amerikano sa kanilang bansa at sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bandila ng Amerika.
At noong naroon ako at nakita ko ang klase ng pagmamahal na ito ay naramdaman ko rin ang matinding pagmamahal sa aking bayang Pilipinas.
Oo, sa Amerika habang ipinagbubunyi nila ang kanilang bansa ay naramdaman ko sa puso ko ang pagbubunyi bilang isang Filipino.
Kaya naisip ko tuloy na sa kaso ni Senator Grace Poe, naniniwala ako na hindi mawawala ang pagmamahal mo sa Inang Bayan kahit pa nasa bansa ka ng mga banyaga.
Maraming Pinoy ang nasa Amerika dahil sa iba’t ibang dahilan, pero naniniwala ako na sa puso nila ay nananatili ang pagmamahal sa Pilipinas at ang tahimik na pangarap na pagdating ng araw ay makauuwi rin sila muli.
Tuwing Memorial Day ay nagsasabit ng bandila ang mga Amerikano sa harap ng kanilang mga bahay at sa lahat ng parte ng bansa.
Ito’y isang paraan ng pagpapakita nila ng pakikilahok sa pagdiriwang.
Dito sa atin, hindi pa nakagsagawian na mag-display ng mga bandila sa harap ng mga bahay.
Ang Republic Act 8491 ay ang batas na tumutukoy sa kung paano ang tamang paggamit at pag-display ng ating Philippine Flag.
Alam ba ninyo na sa Section 7 ng RA8491 ay sinasabi na ang bandilang Pilipino ay dapat din i-display sa residences o mga bahay tuwing April 9 – Araw ng Kagitingan; May 1 – Labor Day; May 28 – National Flag Day; June 12 – Independence Day; November 30 – Bonifacio Day; at December 30 – Rizal Day.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON