HINDI lang nakatutuwa kundi nakaiiyak din ang ginawang pagtawag at pag-aabala ng ilang Filipinong nasa abroad na nagbabasa ng mga sinusulat ng mga kolumnista ng REMATE.
Limang katao rin mula sa iba’t ibang bansa ang tumawag sa PAKUROT matapos mabasa ang lumabas na kolum noong Lunes na “Kwento ng Buhay” kung saan patungkol ito sa scholarship aid grant project ng Rotary Club of Malate Prime. (Sa totoo lang, nasorpresa ako na hanggang US pala ay maraming nagbabasa ng Diyaryo ng Masa).
Pawang interesado na tumulong sa mga aplikante ng “adopt a scholar” ng RCMP ang mga tumawag sa inyong lingkod. Lamang ay may kondisyon sila.
Nais nilang makasiguro na mapupunta sa scholars – mga batang mahihirap pero matatalino at nais makatapos ng pag-aaral – ang perang kanilang ipagkakaloob.
Maliban doon, nais din nilang hindi malathala ang kanilang pangalan o hindi na sila kailangan pang makilala.
Kahanga-hanga ang kanilang layunin na makatulong, bukod pa sa ayaw nilang magpakilala.
Sa kasalukuyan, ang ilan sa mga negosyante, lalo na ang mga politiko na sumasapi sa ilang samahan o organisasyon ay pawang nagpapakitang-gilas dahil sa kagustuhang makilala nang sa gayun ay hindi na sila mahirapan pa sa darating na halalan.
Tumutulong sila para sa pansariling kapakanan at hindi taos sa kanilang puso.
Nakatutuwa naman na may mga tao pang katulad ng mga tumawag sa inyong lingkod at hindi na nagpakilala subalit nangakong tutulong sa magandang layunin ng Rotary Club na may mottong “Service above self.”
Marami man ang gumagawa ng kalokohan na nagiging sanhi ng kaguluhan at kawalan ng katahimikan sa ating bansang Pilipinas, marami pa rin ang gumagawa ng kabutihan nang walang hinihinging kapalit.
Isa nga sa tumawag ay isang contractor sa Estados Unidos at ikinuwento niya ang kanyang pinagdaanan bago niya naabot ang kanyang kinalalagyan.
Isa siyang self-supporting student mula sa Sapang Palay sa Bulacan at nagtapos ng BS Architecture. Sinuwerteng nakapunta ng Estados Unidos kung saan pinalad siyang makapasok sa isang kumpanya na gumawa ng paraan upang makakuha siya ng green card.
Hindi siya naging mapili sa trabaho. Kahit tagahugas ng plato ay pinasok niya upang madagdagan ang kanyang kita.
Ngayon, narating na niya ang tuktok ng tagumpay at nais naman niyang suklian ang swerteng dumating sa buhay niya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng biyayang kanyang tinanggap.
Para sa mga nais magbigay ng kanilang tulong sa mga batang mahihirap subalit karapat-dapat makatapos ng pag-aaral, pwede pong makipag-ugnayan kay RCMP President Ellen Gamotea 09178699412 o RCMP President Elect Ronilda Reluya 09163234252. PAKUROT/LEA BOTONES