MAY napakataas ka bang lagnat o grabeng pag-ubo na may grabeng plema?
Kinakapos ka ba sa paghinga o nahihirapang umihi? At nagtatae at nagsusuka ka ba nang matindi?
Malamang na may Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus ka.
Takbo ka na sa ospital para matsekap ng mga doktor.
Ah nasa mahal kong Pinas ka pala at swerte ka dahil wala kang MERS-CoV.
Pero kung galing ka sa South Korea o sa mga Arabong bansa, takbo na sa ospital…biliiis para hindi ka makahawa ng iba.
MAHIGIT 400 PATAY
Sa rekord ng World Health Organization, may mahigit nang 400 patay sa MERS-CoV simula noong taong 2012.
Nagsimula ang sakit na ito na galing sa paniki o kamelyo mula sa Saudi Arabia at mabilis na kumalat ito sa iba pang mga Arabong bansa hanggang sa makarating ito sa South Korea na may 14 nang patay mula sa mahigit sa 100 kataong natamaan.
Kapag nahawa nito ang isang tao, maramdaman nito ang mga sintomas na nabanggit natin sa itaas mula sa ikalawa hanggang sa ika-14 araw at dito ka na magbilang ng ilang araw lang kung mabubuhay ka pa o hindi na sa tindi ng mararanasan mong palatandaan ng naturang sakit.
MAGBANTAY NANG TODO
Dahil nasa tabi-tabi na lang ang MERS-CoV na wala pang tiyak na gamot at mabilis na nakamamatay, kailangan ang ibayong pag-iingat.
‘Yang mga nagbabantay sa ating mga paliparan at pantalan, dapat na maging alerto nang 24 oras para i-quarantine kaagad ang may sintomas ng sakit.
Pero teka, saang ospital ba itatakbo ang mga maaaring “maysakit” nito?
At nasaan ang mga doktor, nars at iba pang medical professional natin, lalo na ang mga tauhan ng Department of Health, na naatasang humarap sa sakit?
Nasaan ang pondo ng pamahalaan para gastusin laban sa sakit at pang-asikaso sa mga maysakit?
PULITIKA ANG INAATUPAG
Nagtatanong tayo ukol sa preparasyon at mga posibleng aksyon ng pamahalaan at mga lider ng bansa dahil higit yata na pinagkakaabalahan ng mga anak ng tipaklong sa pamahalaan at lider-politiko ang halalang 2016.
Wala tayong naririnig mula sa kanila kung ano-ano ang gagawin nila sakaling makapasok ang MERS-CoV sa Pinas.
Sa halip, nakatutok ang kanilang mga mata sa mga sarbey…kung sino-sino ang mga nangunguna…at kung sino-sino ang mga magpapakner na Pangulo at Bise Pangulo na kandidato sa 2016.
At para matiyak ang panalo, hayun at nagsisiraan at nagdedemandahan ang mga ito hanggang sa makulong ang kani-kanilang mga kalaban.
Bahala na ang mga mamamayan kung ma-MERS-CoV sila o hindi!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
