ANO ba ang naiisip n’yong malalasang sakit ng isang tao upang iwasan siya ng kapwa? Mukhang ganito ngayon ang nangyayari kay Vice President Jejomar Binay. Para siyang isang may malalang sakit ngayon at tila ayaw siyang madikitan.
Matagal nang nagpahayag ng intensyon si Binay ng pagtakbo sa 2016 presidential elections. Pero hanggang ngayon, wala pa siyang nakikitang pwedeng maging ka-tandem sa halalan para maging Bise Presidente. Sa mga nakalipas, tila wala siyang katalo-talo sa halalang pagka-Pangulo kung ang pagbabasehan ay ang mga lumalabas na survey. Matagal na namayagpag si Binay sa unahan ng mga ito.
Dapat bilang nangunguna, marami na riyang ambisyoso na gusto siyang makatambal. Pero bakit ganu’n, walang may gusto sa kanya? May pondo at may malaking partido naman si Binay?
Inamin ni Navotas Rep. Toby Tiangco, interim president ng United Nationalist Alliance (UNA) na nahihirapan na silang maghanap ng makakatambal ng Pangalawang Pangulo sa 2016 presidential elections dahil sa pagbagsak sa mga sarbey nito.
Sa magkahiwalay na survey ng SWS at Pulse Asia, naungusan na ni Sen. Grace Poe si Binay sa posibleng magiging susunod na Presidente ng bansa kung ngayon idaraos ang halalan.
Pero ang tingin ng mga analitiko, nilalayuan si Binay dahil mistula siyang may “galis-aso” sa mga ibinabatong alegasyon ng katiwalian sa kanya. Dahil diyan, baka pati tatakbong kapitan ng barangay ay umiwas na rin sa kanya.
Naaalala ko tuloy ang nangyari noon kay Sen. Manny Villar noong 2010 presidential elections. Halos si Villar na ang pinakahanda sa mga tatakbo noon dahil sa laki ng kanyang pondo at palaging bumabandera sa mga sarbey pero dahil sa mga ibinato sa kanyang bintang na nagpayaman sa pagkamkam ng lupa ng may lupa, bigla siyang sumemplang at tinalo ni Noynoy Aquino.
Kahit sabihin ni Binay na ang mga alegasyon sa kanya ay isa lang demolition job ng mga kalaban, dapat mapatunayan niyang tunay siyang malinis.
‘Yun bang pagpapatunay na mula sa puso at hindi pawang kasinungalingan lang.
Kailangan din niyang makumbinse ang bayang botante na kapag siya’y nanalo, hindi siya magnanakaw sa puwesto para lalo pang magpayaman.
Bagkus dapat niyang malinaw na maipaliwanag sa madlang pipol na kaya siya winawasak para hindi maluklok ay dahil sa takot ng maraming opisyal sa kasalukuyang administrasyon na makulong dahil sila ang mga tunay na magnanakaw ng salaping-bayan.
Kung usapin sa karanasan para maging pangulo ng bansa, walang dudang hitik na hitik diya sa VP Binay.
Pero ang gusto ng mga botante ay walang sakit at walang kapintansan sa pagkataong susunod na pangulo. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
