ANG pamahalaan ay organisasyon upang paglingkuran ang bansa at mamamayan nito. Hindi ito instrumento para gamitin ang pondo nito para sa personal na interes ng mga miyembro ng gabinete.
Kaya, ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino na tatakbo sa anomang posisyon sa eleksyong 2016 ay magbitiw na ngayon pa lang. Huwag nang hintaying matapos ang Setyembre bago magbitiw sa posisyon.
Habang nasa posisyon bago sumapit ang Oktubre, petsang itinakda ng batas na paghahain ng kandidatura, ay walang dudang nagagamit ng mga opisyal ng pamahalaan ang kani-kanilang posisyon at pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa kanilang pagtakbo sa 2016.
Ang pondong tinutukoy ko ay pera ng mamamayan na kung tawagin sa English ay “public funds.” Sa madaling salita, hindi ito pera ng mga miyembro ng gabinete.
Sa madaling salita, nagagamit ang pera ng mamamayan sa mga patalastas ng mga opisyal na tatakbo sa eleksyon.
Sa kasalukuyan, ang madalas na may patalastas sa telebisyon ay sina VP Jejomar Binay, Interior and Local Governnment Sec. Mar Roxas, Health Sec. Janette Garin, Energy Sec. Jericho Petilla at Technical Education Skills and Development Authority Director General Joel Villanueva.
Bagama’t hindi nanawagan na sila’y iboto, kitang-kita namang ibinibida ang kani-kanilang mga sarili sa publiko. Halatang-halata naman ang layunin na panghalalan.
Ang pinakamalala sa kanila ay si Villanueva dahil ang tono ng patalastas ng TESDA ay inangkin na niya ang TESDA.
Ipinagdiriinan ni Villanueva na siya ang tanging makatutulong sa mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo.
Ang iba pang tatakbo, bagama’t wala pang patalastas sa telebisyon, ngunit pawang mga nakakapit-tuko sa kani-kanilang posisyon ay sina Agriculture Sec. Proceso Alcala, Justice Sec. Leila de Lima at MMDA Chairman Francis Tolentino.
Mahiya naman kayo sa mga sarili ninyo!
Huwag kayong kapit-tuko sa mga puwesto ninyo at huwag ninyong gamitin ang pondo ng pamahalaan para sa inyong pagtakbo sa eleksyong 2016.
Mag-resign na kayo!
Umalis na kayo sa pamahalaan, ngayon pa lang!
XXX
PAALALA PO: Hindi tinupad ni Sec. Leila de Lima ang paghahain ng graft and corruption sa Office of the Ombudsman laban sa Third Batch ng maanomalyang mga proyekto ng NGOs na pinonduhan ng pork barrel noong unang linggo ng Hunyo. Sa Hulyo na lamang daw.
Isa sa mga napabalitang kasama sa kakasuhan ay si TESDA Director General Joel Villanueva. Sina Villanueva at De Lima ay tatakbong senador sa ilalim ng Liberal Party (LP).
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA