MULA nang ipakilala ni Pangulong Benigno Aquino III ang “Daang Matuwid”, nagsimula nang umusbong na parang kabute ang mga taong kalye.
Dati-rati, mangilan-ngilan lang ang mga taong nakatira sa bangketa at karamihan sa mga ito ay ‘yung tinatawag na “taong grasa.”
Ang mga taong ito’y ‘yung nanlilimahid sa rumi dahil nasiraan ng bait o nawala sa katinuan dahil sa gutom.
Pero ngayon, nagkalat at dagsa na ang mga taong kalye.
Ang mga ito’y iyong naghahanapbuhay sa kalye at nakatira sa kalye.
Sa lugar ng kanilang hanapbuhay na sila naglalagay ng mga tulugan at pahingahan.
Napakarami na ring taong grasa na nagkalat sa mga kalsada.
Ibig-sabihin ba nito’y mataas na ang antas ng kahirapan sa bansa?
Hindi na ito maitatanggi at hindi na rin dapat pasinungalingan ng pamahalaan.
Siguro’y dapat kumilos ang administrasyon ni Pangulong Noynoy upang malunasan ang patuloy na paghihirap ng mga mamamayan habang patuloy na nagkakamal ng salapi ang mga kaalyado ng Pangulo.
“Daang Matuwid” nga ba ang gabay ng mga tao?
Parang hindi naman.
Tila ito pa ang nagiging daan upang mas lalong maging palpak ang pamumuhay ng mamamayan.
Nawa’y makagawa ng paraan ang sulsultants ni PNOY na mawala ang masakit sa matang tingnan na mga batang nasa kalye na namamalimos, nagbebenta ng kung ano-ano at gumagawa ng kasamaan.
Makaisip sana sila ng paraan kung paano mabibigyan ng permanenteng kabuhayan ang pamilya ng mga ito at tirahan at hindi katulad ng ginawang pagdala sa mga ito sa isang resort sa labas ng Metro Manila para mawala sa paningin ng mga dayuhan na kasama sa pagdalaw ni Pope Francis noong Enero.
Dapat ding kumilos ang mga lokal na pamahalaan dahil delikado ang mga ito sa lansangan.
Hindi lang buhay ng mga taong kalye ang nakataya sa pagkalat ng mga ito sa mga lansangan kundi maging ng mga motorista at pasahero. PAKUROT/LEA BOTONES