HINDI pa man umiinit ang puwet sa nilipatang puwesto ay mukhang nanganganib nang masibak ang isang station commander ng Que-zon City Police District makaraang mahulihan ng jueteng ilang oras pa lang matapos ang turnover.
Tsk…tsk…tsk, kawawang Supt. Virgilio Fabian, ang bagong hepe ng Novaliches Police Station 4. May limang oras pa lang yatang nakauupo bilang commander ay sumabit agad.
Nitong Lunes, Marso 11, bandang alas-3:30 ng hapon, nagkaroon ng simpleng turnover ceremony sa pagitan nina PS-4 Commander, Supt. Crisostomo Mendoza at Lagro Police Station 5 Commander, Supt. Fabian sa QCPD Headquarters, Kampo Karingal.
Nasibak umano si Mendoza sa PS-4 dahil sa nahulihan ito ng jueteng sa kanyang lugar ng PNP-IG ng Kampo Crame noong Enero 15 kaya ipinatupad dito ang one strike policy. Nitong Lunes ng gabi ay nahulihan agad si Fabian ng jueteng.
Sinasabing nagtungo ang mga operatiba ng Office of the District Director ng QCPD sa Novaliches para suyurin ang mga video karera na nakatanim dito at aksidenteng nadaanan nila ang dalawang lalaking nagpapataya ng jueteng at inaresto ang mga ito.
Sa hindi malamang kadahilanan, kinasuhan lang ang mga ito ng 1602. Sana nanahimik na lang si Fabian sa Presinto 5 dahil magreretiro na siya at nang hindi mapurnada ang kanyang retirement.
Marami ang nagtataka kung bakit inilipat lang sa katabing presinto si Col. Mendoza na sinasabing isang jueteng operator.
Sino nga ba si Col. Mendoza at bakit napakalakas nito sa pamunuan ng QCPD?
Ang iba, kapag nahuhulihan ng jueteng, ay agad na sinisibak at di-nadala sa NCRPO sa Bicutan ngunit bakit inilipat lang si Mendoza sa katabing station ng Novaliches …para ba palawakin ang jueteng nito?
Halos lahat ng pulis ng QCPD ay alam ang trabaho ni Col. Mendoza at malakas sa itaas. Dahil ba malakas “maghatag”? Nagtatanung lang po.
Naniniwala naman ang ilang pulis ng QCPD na kaya sa Presinto 5 inilipat si Col. Mendoza ay para pag nagretiro na si Col. Fabian sa Hulyo ay madali itong makalipat.
Pinaniniwalaan din na kapag hindi raw inalis sa Quezon City si Col. Mendoza, masisira ang imahe ng QCPD at mabansagan itong bagong jueteng capital.
QCPD Director Sr. Supt. Richard Albano, sir, mula nang dumating kayo sa Quezon City ay napaganda ninyo ang serbisyo ng ating kapu-lisan at naging organisado ang QCPD.
Panahon na po para linisin n’yo naman ang command sa mga tinatawag na “ bugok na opisyal.”
