DATING janitor, milyonaryo ngayon! – ‘Yan si Lito Alcantara, ang Pinoy na tinaguriang ‘godfather’ ng mga negosyanteng Filipino sa Honolulu, Hawaii. Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating janitor na kung tawagi’y Manong Lito ay magmamay-ari ng isa sa pinakamalaking construction company sa Amerika – ang Group Builders Inc.?
Nagtapos ng kursong Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology sa Pilipinas si Manong Lito. Ayon sa kanya, agad siyang nakapagtrabaho bilang inhinyero matapos pumasa ng board exam at makakuha ng lisensya at trabaho bilang private engineer.
Makalipas ang halos dalawang taong pagtatrabaho roon ay nagturo naman si Manong Lito sa North Eastern College at naitalaga siya bilang dean ng College of Engineering.
Nang madeklara ang martial law, nagdesisyon siyang lisanin ang Pilipinas at magtungo sa Hawaii at nanirahan sa kanyang mga kapatid upang umiwas sa mga kaguluhang nangyayari noon sa ating bansa.
Hindi naging madali ang pagsisimula ni Manong Lito roon dahil namasukan siyang janitor sa isang hotel sa kawalan ng salapi. Makalipas ang anim na buwang pamamasukan bilang isang tagalinis, napansin ang angking talino at kakayahan niya kaya’t mula sa pagiging isang janitor ay naging chief estimator siya ng nasabing kompanya at makaraan muli ang anim na buwan ng pagiging chief estimator, muli siyang na-promote bilang executive vice president.
Nang magsara ang kanyang kompanya, nagdesisyon na lang siyang magtayo ng sariling negosyo at sa tulong ng isang Amerikanong kaibigan niya na nagbigay sa kanya ng $30,000, ay naitatag at nabuksan ang Group Builders Inc.
Mula sa isang maliit na kompanya, unti-unti itong lumaki at nakilala. Nakatanggap din ng sari-saring parangal si Manong Lito, kabilang ang Hawaii Entrepreneur of the Year Award at Outstanding Filipino Overseas. Napasama rin ang kanyang kompanya sa listahan ng 25 biggest contractors in Hawaii.
Ang tagumpay niyang ito ang ginamit niyang daan upang makatulong sa ating mga kababayan na gaya niya ay nakikipagsapalaran sa Hawaii. Ang mga empleyado sa kanyang kompanya ay kapansin-pansing puro mga Filipino na sinadya niyang kunin.
Naniniwala si Lito Alcantara na ang mga taong nasa likod niya at ang biyaya ng Maykapal ang dahilan kung bakit tinatamasa niya ang tagumpay niya.
“The secret of success is the people, we can’t do it alone, they are the ones supporting me so I always give them 25 percent of their gross pay as bonus. Respect the lowest employee in the company. Even though I am the president now, I still mop the floor and clean the toilet,” aniya.
Mula sa pinakamababang posisyon, naranasan ni Lito Alcantara kung paano ang maging isang empleyado kung kaya naman ngayong siya ay nakabangon at naging amo, nagpapakita siya ng mabuting ehemplo at pagpapakumbaba sa kabila ng pagiging isa na niyang milyonaryo.
