MAY bagong CoP (chief-of-police) ang Batangas City sa katauhan ni Supt. Danilo Mendoza na kung tawagin ng kanyang mga kabaro ay si ‘DM.’
Sa rami ng magagaling sa PNP, siya ang napili ni R4A director C/Supt. Richard Albano para pamunuan ang pulisya ng lungsod. Bakit si Col. DM?
“Ang opisyal na ito’y maaasahan at mapagkakatiwalaan,” walang gatol na sambit sa atin ni Gen. Albano.
Walang naikwento pa si Gen. Albano, ngunit sa kaibigan kong CIDG official, aniya, “Si Col. DM, tulad ni Gen. Albano, ay maningning din ang career.” Sa mahigit dalawang dekadang serbisyo, maraming nalutas na malalaking kaso ang butihing colonel na nagpakinang sa imahe ng PNP.
Hindi raw matatawaran ang sipag, galing at dedikasyon sa trabaho ni Col. DM kaya maayos nitong natutugunan ang sinumpaaang tungkulin. Isa sa mga sensational case kaya tumatak ang pangalang ‘Col. Danny Mendoza’ ang matapang na pagwasak sa kinatatakutang ‘Ozamis gang.’
Sa kanyang bagong assignment – bilang bagong upong hepe ng Batangas City, si Col. DM ay nahaharap sa mabigat na pagsubok. Ang standing order ni Gen. Albano kay Col. DM ay “wakasan ang operasyon ng namamayagpag na sindikato ng droga’ sa lungsod. Tough job ang atas na ito ng R4A director, pero sa tulong ni Mayor Eddie Dimacuha at mga mamamayan ng Batangas City, magtatagumpay si Col. DM.
2016 ELECTION PREPARATION!
Mayo pa sa susunod na taon ang election, pero sa Calabarzon area, pinag-uusapan na ang katiyakan ng katahimikan sa pagsasagawa nito.
Sa pangunguna ni Deputy Director Marcelo Garbo, ginawa ang 2nd Pre-Election Meeting sa R4A Multi-Purpose Center sa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Malugod na tinanggap ni C/Supt. Richard Albano ang grupo ni Gen. Garbo na nagsilbing mensahero sa mga topic na tinalakay sa pulong.
Maaga pa kung tutuusin, pero sa ganang atin, kapuri-puri ang aksyong ito ng pambansang kapulisan para sa ikabubuti ng darating na halalan. CHOKEPOINT/BONG PADUA