WALANGHIYA, nagtuturuan na ngayon ang kampo nina Erap at Lim sa pagpapatayo ng Torre de Manila na isang eyesore o tinawag na pambansang photobomber ng Pinas. Kasi nga naman, napakasagwang tingnan na naging background ito ng Luneta at ng dambuhalang Flagpole na simbolo ng Pilipinas.
‘Yung City Council naman, ayun kanya-kanya rin ng depensa sa kanilang mga ginawang mga Resolution. Una ay ayaw, sumunod ay aprub, tapos nang lumaki ang isyu, bawi na naman. Pero sa rami ng anggulo ng pagpayag na maitayo ang Torre de Manila, hindi maiwasan ninoman na maghinala na nagkaroon ng milyones at condo unit ang mga pumabor sa konstruksyon ng Torre de Manila.
Nagtuturuan at nagsisisihan sina Erap at Lim pero kung iisipin, ang City Council ang unang responsable rito kasi sila lahat ang may mga akda ng pagtutol sa una at pagpabor sa pangalawa. Kung bakit at sa anong kadahilanan, tanging sila lang ang nakaaalam!
Tama naman ‘yung iba nating katoto na sumulat ng anggulo sa isyung ito. Kung ang mga vendor nga raw na napakaliit na barya ay kinokotongan, ano pa kaya ang DMCI na bilyonaryong kumpanya na handang sumuka ng milyon maitayo lang ang Torre de Manila? Ewan lang, baka sumuka na nga.
Bumibida ngayon ang mga pangalan nina Konsehal Joel Chua, Jhong Isip, Letlet Zarcal, majority floor leader Marlon Lacson, urban settlements officer Dennis Lacuna at DJ Bagatsing na nagsumite ng Laban- Bawi resolution.
Unang sultada ay ayaw pero sa huli ay okey na at pumayag na ituloy ang konstruksyon ng Torre de Manila gamit na dahilan ang liham na kasagutan ng National Heritage Commission of the Philippines sa kanilang sulat na nag-usisa kung may pagsuway na ginawa ang DMCI.
Ang konseho ang nag-akda ng resolusyon para ipatigil ang konstruksyon ng Torre de Manila noong Nobyembre 2013 pero dalawang buwan lang ang nakalipas, Pebrero 2014, isa pang resolusyon na pumapayag namang ituloy ng DMCI ang pagtatayo ng gusali dahil nga pinayagan nilang mag-amo.
Ang pinakamalaking tanong: bakit sa loob ng dalawang buwan ay biglang nagbago ang isip mga bosing ng Maynila? Magkano, este, ano ang bago o karagdagang “requirements” ang hiniling sa DMCI kaya biglang nagbago ang isip nila?
Ang “requirement” bang ito ang nagbigay-daan sa resolution na iniakda nina Chua at Councilor Jong “Casino” Isip na sumuporta sa ipinagkaloob na exemption ng zoning board? Hindi ba’t malinaw na “laban o bawi” ang diskarte ng mga konsehal sa isyu ng Torre de Manila?
Ano na ang nangyari sa pangako nina Councilor DJ Bagatsing at Celdran na tututukan kung may paglabag ang DMCI sa exemption sa zoning laws at mga kondisyon ng zoning board.
Hmmm, may umaalingasaw na masangsang na amoy ngayon na dalawang-milyong piso raw kada konsehal para lang bawiin ang pagkontra sa Torre de Manila. ‘Di ba iligal na ipawalang-bisa ang isang ordinansa ng resolution lang? Kahit minu-minuto, pwedeng magsinungaling silang taga-City Hall pero ang mga dokumento at ebidensya ang makapagsasabi ang totoo.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09353110472 at 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES