HATAW rito, hataw roon ang ginagawang pag-iikot ngayon ng mga taga-R2 ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa lahat ng iba’t ibang vices sa buong Metro Manila bilang paghahanda sa nalalapit na paglisan ni NCRPO chief Gen. Mel Valmoria.
Halos wala nang pinalalagpas ang grupo ng R-2 dahil ultimo raw sugal lupa ay grabeng hiniritan ng mga ito ng lingguhang I.N.T.
Ang mga bumubuo ng NCRPO R-2 ay pinangungunahan ni PO3 Jeff Halib alyas Wally Nazareno.
Ang mga kasa-kasama ni PO3 Halib sa ginagawa nitong pag-iikot ay sina PO3 Arnel Roque alyas Sgt. Sablay, PO1 William Cajayon alyas Gemini, PO3 Ver Paraon alyas Virgo, Allan Espeleta alyas Pekenis at ang pinakahuli ay si Nilo Espeleta alyas Zyder.
Pwersahan at tinatakot ng grupo na ito, kapag hindi magbigay ng lingguhang tongpats, ang mga may iligal na pasugalan, club, sauna, ktv at iba pa, na kanilang bubulabugin ang mga ino-operate nitong mga iligal.
Ipinagmamalaki rin ng grupo na ang lahat ng malilikom nilang I.N.T. (intelihensiya) ay kanilang “pabaon” sa nalalapit na paglisan ni Gen. Valmoria sa NCRPO.
Totoo ba ito, heneral?
Aba kung hindi, bakit hindi ninyo imbestigahan ang mga kolokoy na ito?
MAYOR LAGUNA BULAG SA BOOKIES
Hindi na siguro talaga kaya ni Sta. Maria, Laguna Mayor Rocelle Carolino na ipatigil ang operasyon ng bookies ng Small Town Lottery ni Jayson Cuento.
Mantakin ninyo, abot-tanaw lang mula sa munisipyo ang lantaran na tayaan ng pa-bookies ni Cuento pero parang bulag na walang nakikita si mayor.
Hindi ko lang alam kung may tongpats si mayor sa bookies ng STL na minamantine ng magaling na si Jayson Cuento.
Mayroon kaya?
o0o
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA