HINDI iilang opisina ng gobyerno ang napasok ng inyong lingkod at marami sa mga nasa tanggapang ito ay nagsasabing “public servant” ang namumuno nito.
Karamihan sa mga nagsasabing public servant sila’y mga politikong ineengganyo ang kanilang mga nasasakupan para sila’y tangkilikin sa halalan.
Meron ding mga opisyal ng Philippine National Police ang inilalagay sa kanilang tapeta na sila’y public servants pero sa totoo lang ang ilan ay para lang sa pagpapaganda ng kanilang imahe sa publiko. Sa madaling salita, pagpapapogi lang para hindi sila batikusin, lalo na ng mga mamamahayag kapag may pagkakamali sila.
Sa Manila City Hall, ang mga opisyal ay pawang pinayuhan ni Manila Mayor Joseph Estrada na maging public servants. Walang dapat piliing tutulungan basta residente ng Maynila.
Ang mga direktor ng mga pagamutang lokal ay sinabihang walang pipiliing pasyente basta tulungan kapag residente ng Maynila kahit pa mula sa kampo ng kalaban sa pulitika.
Maganda talaga ang programa ni Mayor Erap na huwag pagbawalan ang mga tauhan ng kalaban na pumasok sa kanyang bakuran. Sa halip na ipagtabuyan, pinapapasok niya sa bakuran upang tulungan at hindi upang awayin at laitin.
Para sa dating Presidente, dapat kalimutan na ang nakaraan at away-pulitika at sa halip ay magtulungan upang umunlad ang Maynila at maibalik ang dating ningning nito.
Kaya nga, isang malaking pasasalamat ang ipinaaabot ng vendors at residente kina C/Insp. Bernabe Irinco, Jr., hepe ng Manila Action and Special Assignment, at Capt. Jaime de Pedro, bagong hepe ng City Hall Security Force, sapagkat tinutulungan nila ang una na makalapit sa alkalde upang maiparating ang kanilang mga reklamo at hinaing sa mga tauhan ng Manila City Hall na umaabuso sa kanilang puwesto at kapangyarihan.
Sana ang lahat ng public servants ay maging totoo sa kanilang tungkulin. Sina Irinco at De Pedro ang kadalasang nilalapitan ng mga inapi at biktima ng mga hepe at tauhan ng ilan departamento na ang ginagawa ay panlalamang sa kapwa upang kumita ng pera.
Halimbawa ng mga abusado ay ilang city councilor na walang ipinanakot, lalo na sa mga negosyante, kundi ang hindi pag-apruba ng city council sakaling mangailangan ng special permits sa negosyo.
Kaya nga sa usaping DMCI, dapat ang mga konsehal ang managot. PAKUROT/LEA BOTONES