ITONG kaso ni Jiro Manio ay magsilbi sanang eye-opener sa ating pamahalaan, lalong-lalo na sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA). Ito’y isang matibay na palatandaan na lalo pang lumalala ang problema ng bansa sa pagkalat ng mga iligal na droga at hindi mabisa ang kampanyang ipinatutupad ng ating pamahalaan upang sugpuin ito.
Isang halimbawa na lamang ay itong bayan ng Dasmariñas, Cavite na talaga namang pinamumugaran na umano ng napakaraming tulak. Ang reklamo pa sa atin ay halos parang kendi at yosi na lamang kung magbenta ang mga tulak sa Dasma.
Sabagay, bagong upo lamang ang ating kaibigang si Director General Richard Albano bilang pinuno ng PNP-CALABARZON kaya hindi pa nito siguro batid ang napakatinding problema sa droga sa Dasma.
Isa sa mga lugar na tinutukoy ngayon na pinamumugaran ng napakaraming tulak ng droga, partikular na rito ang shabu, ay itong Bgy. San Agustin 1 na sumasakop din sa Solar Homes Subdivision.
Kahit umano sa mga sakayan ng tricycle ay harap-harapan kung magbentahan ng droga sa lugar na ito at sa loob mismo ng subdivision ay may mga drug den at doon isinasagawa ang mga pot session.
Ang masaklap ay maging mga pulis ay nakikita umanong umiiskor ng droga sa mga tulak sa lugar kaya malalakas ang loob ng mga itong gumawa ng katarantaduhan.
General Albano, sir, maganda siguro, eh, ipa-drug test mo lahat itong mga kagawad ng Dasmariñas Police, lalong-lalo na itong mga sumasakop sa Bgy. San Agustin 1. Aba, eh, sa halip na manghuli ng tulak ang ginagawa ng mga pulis, eh, nagiging parokyano pa pala ang mga ito. Balitaan n’yo po ako sa resulta para maisulat natin sa kolum na ito.
Dahil sa pagiging adik din ng ilang pulis-Dasma, lalo umanong nagiging malakas ang loob ng mga tulak sa lugar at madalas na magwala kapag bangag sila sa droga. Andiyan na nambabato ng bahay at nangungursunada ng mga residente na napaparaan sa kanilang tambayan.
Isa umano sa mga tarantadong ito si alyas Macmac na siya ring naghahari-harian at nagsisiga-sigaan sa Bgy. San Agustin 1. Maganda siguro kung mabigyan din ito ng leksyon, ‘di ba, General Albano, sir?
Maliban sa problema sa droga at panggugulo, talamak din sa nakawan ang Bgy. San Agustin 1 at ang malungkot ay inutil naman ang barangay na pinamumunuan ng isang nagngangalang Edwin Robles. Aba Mr. Robles, gamitin mo ang poder mo upang umayos naman ang iyong barangay! Eh, nangangamatis na yata ‘yang yagbols mo dahil wala ka nang ginawa kundi magkamot sa halip na manilbihan bilang lingkod-bayan!
Sana nga’y magkaroon na rin ng solusyon itong problema ng ating mga kababayan sa Bgy. San Agustin 1, Dasmariñas. Bagama’t batid na nating inutil itong mga namumuno ng barangay at maging si Mayor Jennifer Barzaga ay may pag-asa pang mabago ang kalakaran dito.
Kilala natin itong si General Albano bilang action man at inaasahan nating ngayon pa lang na siya ay gagawa ng hakbang upang masolusyonan ang problema sa droga sa bayan ng Dasma.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon, mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
