HINDI natin malilimutan ang maikling panahon sa huling biyahe natin sa Japan.
Matapos ang 14 na taon sapul nang lisanin natin ang disiplinadong bansa at mamamayang Hapones, lalo pang malaki ang pagbabago at pagiging progresibo ng Japan.
Nasabi na natin sa naunang kolum, problemado ang gobyernong Hapones kung papaano nila maibabalik ang mga ibinayad na buwis ng mamamayan nila.
Dito sa Pilipinas, problema ng taumbayan kung kailan natin mapakikinabangan ng tama ang ibinabayad nating buwis!
Ang nakatutuwa sa Japan ay ang mga kababayan natin na marami sa kanila noon ay kabarkada natin doon. Nagtiis, nagsumikap at naging matagumpay ngayon. Habang nakikinig tayo sa kanilang mga kwento ay paghanga ang ating nadarama. Successful Filipinos they are.
Katulad ng magkapatid na sina Aki at Lorraine, 1995 nang magtungo sila sa Japan. Puno ng pangarap at ambisyon na magtayo ng negosyo roon. Kumbaga, suntok sa buwan pero ngayon, isa sa pinakamalaking restaurant ngayon ang IHAWAN SHINJUKU.
Hindi lang mga Filipino ang lumulusob doon kundi mga Hapones at ibang dayuhan.
Si Jenny Miyagi ay matiyaga rin. Ngayon ay hepe na siya sa isang malaking hotel sa Kamata, Tokyo. Si Mari Nihei ay hindi masusukat. Mula sa pagiging performing artist at kilala ang kanyang SUSHI BAR sa Shinjuku. Maliban doon, kilala siya na artista sa pelikula, talk shows at programa-komedi-drama sa telebisyon.
Sina Jimmy E., Doddie Torres, Peter De Nieva, Betina Sally Joaquin, Janet Lucero, Lady V o Vivian Hernandez. Maria Cosico na sikat na artista at modelo at maraming pang iba na talagang kilala, sikat at iginagalang hindi lang ng komunidad ng mga Filipino kundi mismo mga Hapones.
Nandiyan din sina Enrico Onquit na kapwa media practitioner natin dito sa bansa bago namayagpag sa Japan. Justina Hazama, Nitz Cea, Carol Inagaki at marami pa na lider ng kanilang mga samahan. Nagtayo sila ng kanilang himpilan para sa mga PINOY roon – ang Pinoy Radio FM Japan.
Si Akira Sano man ay nagtayo ng RAYDIO FILIPINO JAPAN na ngayon ay kilala na sa buong mundo. Kasama sina DJ B, DJ Tess, DJ Elsa, DJ Bon J, Lady V, Annabelle Susuki, Menchie Hallig, John Corrigan at marami pa na mula Amerika, London, Belgium, Canada, Australia, Middle East at mula sa Pilipinas.
Lahat halos nang binanggit natin ay nakadaupang-palad natin sa loob ng 2 linggo sa Japan. Kahit maikling oras, masaya at makabayan ang pagtanggap nila sa ating pagbisita muli. Tunay ngang mga Filipino kayo!
Kay po, MINNA SAN, maraming maraming salamat sa mumunting kuwento ng inyong buhay-Japan. Salamat po mula sa aming puso, MABUHAY KAYONG LAHAT SA JAPAN! BALETODO/ED VERZOLA

