MASYADONG maingay ang mga kaganapan sa pulitika rito sa bansa kung kaya maraming ibang importante ring isyu ang hindi gaanong nabibigyan-pansin ng publiko.
At isa sa mga mahahalagang isyung ito’y ang balitang pagpasok umano ng mga pekeng bigas na sinasabing nagmula sa bansang Tsina.
Hindi biro ang usaping ito sapagkat ang kalusugan ng mga mamamayan ang nakataya rito at maraming reklamo na ang natatanggap ng mga awtoridad, lalo na sa may bahagi ng Davao City kung saan unang kumalat ang nasabing pekeng produkto.
Ang nakapagtataka ay tila pilit na “pinapatay” ng National Food Authority (NFA) ang isyu sa pagsasabing hindi pa nila direktang maidedeklara na peke nga ang bigas na ibinebenta sa Davao City.
Hindi pa raw kasi “conclusive” ang resulta nang pagsusuring isinagawa ng Food Development Center (FDC) sapagkat napakaliit lang ng sample na ibinigay sa kanila.
Para sa kaalaman ni NFA Administrator Renan Dalisay at ng bossing niyang si Food Security Sec. Francis Pangilinan, umaabot na sa 20 ang mga nagrereklamong kababayan natin na nakabili raw ng pekeng bigas.
Sa totoo lang ay hindi naman na kailangan pa ang isang rocket scientist para malaman kung peke ang bigas na itinitinda sa mga pamilihan sapagkat lumalabas na gawa ito sa dibutyl phthalate (DBP), na sangkap sa paggawa ng mga produktong plastic.
May problema ang taumbayan kung ang mismong mga opisyal na nang gobyerno, lalo na ang NFA ang pilit na nagtatakip sa isyu ng paglaganap ng pekeng bigas.
Hindi naman kasi lingid sa madla na talamak ang rice smuggling sa ating bansa at may mga impormasyon pa na ang ilang personalidad na sangkot dito ay may “basbas” pa ng ilang mga astig sa Aquino administration.
Mabilis na pagkakitaan ang rice smuggling kaya naman ginagamit din ng ilang matatalinong politiko ang sistemang ito para pagkakitaan, lalo pa at nalalapit na naman ang halalan sa susunod na taon.
Sang-ayon din ako sa obserbasyon ng ilang nagsusuri na kung totoong may nakapasok nang pekeng bigas dito sa bansa ay malamang na ang mga rice smuggler din ang nagdala nito sapagkat sila ang may abilidad na gawin ang bagay na iyan.
Kaya naman dapat kumilos na ang pulisya at maging ang National Bureau of Investigation (NBI) para dakpin at ikulong ang mga ismagler ng pekeng bigas. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
