MARAMING nagtutulak kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkaPangulo sa darating na 2018 elections.
Maraming naniniwala na ang isang gaya ni Duterte ang makapagpapatino raw sa bansa.
Ang kailangan ng ating bansa ay malinis muna sa mga kriminal at kawatan para umunlad.
Dahil nagkalat ang mga kriminal na wala nang habas kung pumatay ng mga inosente, maraming dayuhang negosyante ang nag-iisip kung mamumuhunan pa sa bansa o hindi na.
At dahil naglipana rin ang mga kawatan pati sa mga ahensiya ng gobyerno, limpak-limpak na salaping bayan ang nasasayang at napupunta lang sa bulsa ng iilan imbes sa mga totoong serbisyong panlipunan.
Si Duterte ang pinaniniwalaan ng marami na makapagwawalis ng mga halang ang bituka at mga kawatan.
Magagawa ba niya ito kung siya na ang Presidente ng bayan nating minumuta, este, minumutya pala?
Dahil sa kanyang kamay na bakal at paninindigan, kayang-kaya ito ni Duterte. Ang problema, mukhang ayaw ni Duterte na maging presidente ng Pilipinas. Kahit siya’y patuloy sa pag-iikot at marami sa kanya na nangungumbinse, hindi pa rin siya makapagdesisyon.
Alam kasi ni Duterte na kahit magtutuwad siya at umubos ng bilyon sa kampanya sa presidential elections ay hindi siya mananalo. Ang pangpanguluhang halalan ay kopo na kasi ng mga may malalaking partido at makinarya, bukod sa may limpak-limpak na kwarta. Iyan po ang totoo, ‘ika nga ni katotong Vic Vizcocho.
Si Duterte ay guwapo at matapang lang pero wala siyang gayon kalaking pondo, malaking grupo at makinarya na kinakailangan para manalo sa pagka-Pangulo. Sayang ang husay, galing at kamay na bakal na gusto natin sa alkalde ng Davao City kung hindi magagamit para patinuin ang mga baluktot sa bansa.
Sa ganang akin, kung hindi man maging Presidente dahil hindi pa naman talaga handa, si Duterte ay nababagay maging pinuno ng Department of Interior and Local Government.
Kung unang mapipisak ni Duterte ang mga bugok na itlog sa Philipine National Police pati ang mga local government official na magnanakaw, baka sakali ay totoong tumuwid ang landas ng ating lipunan.
Kasi, kung may disiplina ang PNP at LGU’s dahil takot kay Duterte, tiyak na mahihintakutan at magsisipagtakbuhan na ang mga kriminal sa bansa.
Ano sa tingin ninyo? I-text ang inyong opinyon sa 09063858209. KANTO’T SULOK/NATS TABOY