NAKAKITA na ba kayo, mga Bro, ng mga boss ng kumpanya na nag-resign o nagbitiw sa posisyon dahil sa sobrang kita ng kanilang kumpanya?
Hindi ba dapat sila manatili upang mapanatili ng kanilang kumpanya ang kanilang kita para na rin sa kapakanan ng lahat ng mga empleyado at opisyal at namumuhunan ng kumpanya?
KITA DINAYA
Kaya pala magre-resign ang bosing ng kumpanyang Hapon na Toshiba ay dahil sa dinaya nito ang malaking kita.
‘Yun bang === pinalabas nito sa nakaraang limang taon na kumita ang Toshiba ng malaki at nagkaroon ng malinis na kitang 200B yen o P72B.
Nagkaroon tuloy ng pagdududa kaya naman humiling ang mga kapitalista o mamumuhunan at empleyado ng Toshiba ng imbestigasyon.
At lumilitaw nga na pinalobo ni President Hisao Tanaka ang kita ng Toshiba na gumagawa ng mga baterya hanggang sa mga kompyuter at plantang nukleyar sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
SAKIT SA ULO
Ang isa sa mga naging problema rito, pinupwersa nina Tanaka ang mga empleyado na magtodo-kayod upang lalong lalago umano ang kanilang kumpanya.
Hindi man sinasabi, malamang na may umangal lalo na kung wala namang karampatang pagtaas ng sahod at paglaki ng benepisyo ang mga ito.
Karaniwang sakit din sa ulo rito ang paniningil ng buwis ng mga pamahalaan saan man nakatayo ang Toshiba.
Paano hindi sasakit ang ulo ng mga may-ari ng kumpanya kung sobrang laki ang sinisingil na buwis ng mga pamahalaan at dahilan ito para malugi nang malaki ang kumpanya?
Isa pa, demanda ang aabutin ng kumpanya at mga opisyal nito dahil sa pandaraya.
Baka ma-persona non grata at matanggalan pa ito ng lisensya o prangkisa sa negosyo.
MAKAKAPAL
Dito naman sa Pilipinas, iba ang nagaganap, lalo na sa bahagi ng pamahalaan.
Habang lumalaki ang mga pandaraya sa rekord, kasama na ang pagsasabi na umuunlad na ang Pilipinas, kahit kabaligtaran ang nagaganap, lalong kumakapit-tuko sa puwesto ang mga gumagawa ng mga pandaraya.
Walang nag-iisip na bumitiw sa puwesto kahit katakot-takot na ang angal ng mga mamamayan.
At itinuturing na terorista o kaya ay manggugulo o korap o mandarambong ang mga humihiling ng pagtutuwid o umaangal. Ang kakapal talaga ang mukha ng mga mandaraya hindi lang sa record kundi sa tunay na salaping-bayan.
ITUTULOY
Ngayong dumarating ang halalan, akalain ba nating ang mga mandaraya ang nagsasabing ipagpapatuloy nila ang nasimulang magandang pagbabago sa mahal kong Pinas.
Ipagpapatuloy nilang sirain ang diskarte ng mga kapwa nila mandaraya upang mananatili sila sa pandaraya?
Dito nagkakaproblema ang ating Uzi na botante sa darating na halalan. Mapipilitan siyang mamili kung sino sa mga mandaraya at korap na kandidato ang kanyang iboboto na magpapatuloy sa pandaraya sa salaping bayan at kalagayan ng mga mamamayan.
Anak ng tokwa, napakamalas nga ang Pinoy at wala pang kasaysayan ng mga lider ng bansa ang hindi naging mandaraya sa kalaunan at sa unang mga araw lang maganda ang rekord nila.
O kaya habang nangangampanya sa pagpapakita ng mga sarili na walang dungis at panay uling at putik sa mukha at bulsa ang kanilang mga katunggali sa pulitika at halalan.
AUDIT
Gaya ng ginawa sa Toshiba, uso ngayon ang paghiling ng audit sa mga rekord ng mga magkakalabang politiko. Pero nagtatagumpay lang ang mga nasa poder.
Reklamo nga mismo ng Commission on Audit, ‘pag humihiling ito ng rekord mula sa Department of Budget and Management ukol sa mga nasa poder, walang record.
Pero kapag rekord ng kanilang mga kalaban ang hiniling, aba, bumabaha ang mga ito at trak-trak pa nga raw ang dami.
May mga whistleblower pang kasama na kahit magnanakaw rin ay hindi pupwedeng kantiin.
Bukod sa libre sa kasong pandaraya, korapsyon at pandarambong ang mga whistleblower, hinahayaan na rin ng pamahalaan na manatili sa kamay ng mga ito ang kanilang mga dinaya at ninakaw na salaping bayan.
At, anak ng pitong putakte, gusto pa ng mga nasa poder na pumalit ang mga ito sa mga pwesto ng kanilang kapwa mga mandaraya at magnanakaw.
MAG-INGAT
Sa darating na halalan, mga Bro, dapat na talaga tayong mag-ingat sa kung sinu-sino ang mga iluluklok natin sa pwesto mula sa mga mayor at gobernador hanggang sa mga kongresman, senador, Bise Preidente at Presidente.
Problema lang talaga ang katotohanang mamimili ka mula sa mga kandidatong walang hinangad kundi magpayaman sa puwesto at walang gagawin kundi panatilihin ang yaman ng bansa sa kamay ng iilang mayayaman at makapangyarihang pamilya at mga dayuhan na labis namang ikinapupulubi at ikinahihirap ng nakararami sa atin.
Paano tayo makapag-ingat at makapamili niyan? Huhuhu!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA




