PAGMILAGRUHAN kaya muli ang overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso at hindi matuloy ang pagbitay sa kanya sa Indonesia?
Ayon sa Migrante International ay nakatakdang mag-anunsyo ang gobyerno ng Indonesia ng talaan ng mga ihaharap sa firing squad sa Hulyo 17 at malamang ay mapasama si Veloso.
Naisalba ang buhay ni Veloso noong Abril sa pakiusap ni President Aquino kay Indonesian President Joko Widodo na ipagpaliban ang bitay, upang makapagpakita ang OFW ng ebidensya laban sa nag-recruit sa kanya.
Ipinagsakdal ang sinasabing illegal recruiters ni Veloso na sina Maria Cristina Sergio, Julius Lacanilao at ang kasabwat na alyas “Ike” sa mga kasong “qualified trafficking, illegal recruitment and estafa.”
Nakakita ang Department of Justice ng probable cause sa pag-amin ni Lacanilao na ipinakilala niya si Veloso kay Sergio.
Nangako si Sergio na makapagbibigay kay Veloso ng trabaho bilang domestic helper sa Malaysia na may suweldong P25,000.
Kahit wala palang lisensya para mag-recruit ay nagkunwari raw ang dalawa na may kapasidad si Sergio na italaga si Veloso bilang DH sa Malaysia kapalit ng halagang P20,000.
Nakumbinse umano si Veloso na ibigay kina Lacanilao at Sergio ang kanyang P7,000, cellphone at isangla sa kanila ang kanyang tricycle.
Sa mga natuklasan ay lumalabas na biktima nga si Veloso at totoong walang alam na may 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe nang pumasok siya sa Indonesia.
Isa siyang OFW na naghahangad makapagtrabaho sa abroad at hindi isang drug mule.
Pero sa higpit ng mga batas ng Indonesia sa mga nahuhulihan ng droga, ang magagawa ni Veloso ay magdasal nang taimtim na magkaroon ng pangalawang milagro na magsasalba sa kanyang buhay.
o0o
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
