NAGDADALDAL kamakalawa si Senador Serge Osmeña ukol sa pork barrel.
Sabi, may pork barrel ang mga senador ngayong 2015 na nagkakahalaga ng mula sa P200-milyon hanggang P1-bilyon bawat isa.
Paliwanag niya, basta na lang ibinigay ang mga napakalalaking pondong ito sa mga ahensiya ng gobyerno nang walang malinaw na pagkakagastusan.
‘Yun bang === hindi naaayon sa line budgeting kung tawagin na klarong-klaro kung saan gagamitin ang kahit kusing.
Sabi niya, wala umano kasing batas laban sa pork barrel kaya nangyayari ito at nagiging iskandalo lang ito sa pagsulpot ng mga kikbak dito.
SI PING DIN
Si dating Sen. Ping Lacson ay nag-ingay rin sa pagsasabing may palamang nasa P424-bilyong pork barrel at Disbursement Acceleration Program ang P2.6-trilyong pambansang badyet ngayong taon.
Sabi niya, “Muling nabuhay ang pork barrel at DAP!”
Sulsol ni Osmeña kay Ping, dalhin mo na sa Supreme Court ang nakalkal mong datos.
9-9 NA DESISYON
Ang Supreme Court kasi, mga Bro, ang nagsabing labag sa konstitusyon ang pork barrel na Priority Development Assistance Fund at partly unconstitutional ang DAP.
Ibig-sabihin niyan, kapag dinala ni Ping ang kanyang nadiskubre sa SC, ibang round na naman ng labanan ang magaganap para sa pagtukoy kung unconstitutional o hindi ang P424B.
Anak ng tokwa, ilang taon na naman ang aabutin bago makagawa ang SC ng desisyon?
Sa panahon na ‘yan, wala na sa posisyon ang mga nakinabang diyan at baka napakahirap nang hagilapin para panagutin, sakaling magdesisyon ang SC laban sa P424B pork barrel at DAP.
Anong mangyayari sa nakapakalaking halagang ‘yan na buwis at naipon mula sa buhay at kamatayan mga mamamayan?
DEDMA
Napansin ba ninyo, mga Bro, na makaraang mag-ingay sina Serge at Ping, walang kumikilos na senador o kongresman para ipanukala ang imbestigasyon dito?
Sa halip, binubuhusan agad ang mga ganitong umaapoy na usapin mismo ng ilang senador at taga-Palasyo ng mga paliwanag at denial.
Sabi ng isang senador, ang masama lang sa mga katulad ng pork barrel o DAP ay kung makikialam ang mga mambabatas sa kung saan gagamitin ang mga ito at sila mismo ang magdidikta ng lahat.
Itong pakikialam at pandidikta ng mga mambabatas ang ipinagbabawal umano ng batas, ayon sa desisyon ng SC sa mga pork barrel at DAP.
Sabi naman ng Malakanyang, walang nakawan sa mga lump sum gaya ng P424B at, sa katunayan, bago magamit ang mga perang ito, kinakailangan ang mga detalyadong plano o proyekto katumbas ang anomang ilalabas na salapi.
At tsaka, kinakailangan talaga ang lump sum na pupwedeng gamitin sa anomang pangyayari na hindi inaasahan gaya umano ng mga kalamidad.
Klap, klap, klap!
Malas lang ang mga Binay at sila ang niyayari kahit sa utot lang ng mga ito maaamoy ng mga senador at kongresman.
MAHIWAGA
Malaking hiwaga naman para kay Ping kung bakit ganyan kalaking halaga ang kailangan para sa mga emergency o contingency o hindi inaasahang pagkakagastusan.
Sabi niya, ‘yun ngang kalamidad na ipinarating ni Yolanda, gaanoman kalaki ang pinsalang tinamo ng milyon-milyong mamamayan ay hindi nangailangan ng ganyang kalaking halaga.
Matanong natin ngayon, ang mga paghahanda ba ng mga nag-aaway na politiko ngayon ay anyo ng kalamidad na pupwedeng paggamitan ng P424B pork barrel at DAP?
Hehehehehe!
Dapat kilatisin ito ng mga mamamayan.
Pupwede kasing pagmulan ito ng mga pondo na magpapakita ng pagiging “magaling” ng mga nais kumandidato sa 2016.
Magpapakitang-gilas ang mga ito sa mga proyekto na ikasisiya ng mga botante pero sa likod ng mga proyekto ay mga kikbak na rin na magiging pondo para sa kampanya.
Gigisahin ang mga mamamayan sa sarili nilang mantika at magmumukhang kampeon pa ang mga manggigisa at magkakapaldo ang mga bulsa.
MAY PINANGHAHAWAKAN
Naniniwala tayong may pinanghahawakan sina Sen. Serge at ex-Sen. Ping na mga ebidensiya ukol sa kanilang mga pinagsasabi.
Hindi magbibitiw ng salita ang mga ito nang puro haka-haka lang.
Ngayon, mga Bro, isang hamon ang ating ibabato sa gentlemen from Cebu at Cavite.
Sino-sinong mga senador ang may P200M at P1-bilyong pork barrel?
Sino-sinong mga taga-Malakanyang ang nagdudutdot ng kanilang mga maruruming daliri sa P424B pork barrel at DAP?
Sana naman, sa mga darating na araw ay mga kasagutan sa mga tanong na ito upang malaman naman ng taumbayan ang kanilang mga gagawin mula ngayon hanggang sa darating ang halalang 2016.
At hindi pupwedeng hayaan na lang na sikret ang lahat.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
