MALAKI ang tiyansa na magtutuloy-tuloy na ang plano ni Sen. Grace Poe sa paglahok sa 2016 presidential election dahil na rin sa bulong-bulungan na ito ang ieendorso ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
‘Pag nangyari ito, malaki ang tiyansa na makuha muli ng liderato ngayon ang Malacañan dahil alam natin kung gaano kamahal ng tao ngayon si Poe dahil na rin sa kanyang ipinakikitang dedikasyon sa trabaho bilang senadora.
Ayon nga kay House Speaker Feliciano Belmonte, kailangang maipakita ni DILG Sec. Mar Roxas na kaya nitong manalo sa 2016 election bago ito dalhin ng Pangulo.
Ngunit paano ito mapatutunayan ni Roxas gayong hindi man lamang nito maungusan sa mga isinasagawang survey si Vice-President Jejomar Binay at tanging si Poe lamang ang umangat mula sa Bise-Presidente.
Kapag laging ganito ang magiging resulta sa mga lumalabas na survey ay mapipilitan ang Pangulo na iendorso si Poe ngunit hindi pa natin ngayon matukoy kung saang posisyon mapupunta si Roxas.
Napababalita kasing ang gusto raw maging running-mate ni Poe sa 2016 election ay si Senador Francis “Chiz” Escudero at kung sakaling mangyari ito ay saan mapupunta si Roxas?
Imposible naman na muling magparaya si Roxas katulad nang ginawa nito noong 2010 election kung saan ay pinagbigyan nito si PNoy na tumakbong Pangulo habang siya’y nagkasya na lamang sa pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo ngunit natalo naman kay Binay.
May bulong-bulungan ding kapag ipinilit ni PNoy na patakbuhin si Roxas bilang standard bearer ng LP ay posibleng kumalas mula sa kanilang partido ang Belmonte bloc at kapag nangyari ito ay tuluyang hihina ang administration candidate.
Matatandaang ilang ulit na ring pinulong ni PNoy sina Poe at Escudero pero itatanggi ng dalawang senador na tungkol sa 2016 election ang kanilang pinag-usapan habang sinabi naman ng kampo ng Pangulo na sa darating na State of the Nation Address ay ihahayag na ni Aquino kung sino ang mamanukin ng administrasyon.
Ang SONA ay nakatakdang gawin sa darating na July 27 sa joint session ng Kamara at ng Senado na gaganapin sa House of Representatives sa Batasan, Quezon City. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO