NAKITA na ba ng mga taga-Manila Water ang ginawa nila sa kalye ng Llano sa Novaliches, Caloocan City?
Dahil sa walang humpay na paghuhukay nila noong nakaraang Abril hanggang Mayo sa kanilang umano’y serbisyo upang “dumaloy ang ginhawa” ay tila naging higanteng sungkaan ang kalye.
Ang mga sasakyang dumaraan sa nasabing kalye ay tila nasa buwan dahil sa malalaki at malalalim na hukay sa kalye na tinabunan lang ng lupa at hindi nagawang sementuhin ng kumpanyang nagpahukay.
Katwiran ng Manila Water, malaki ang binayaran nila sa Caloocan City government at maging sa barangay sa pagkuha lang ng permit sa pagpapahukay kaya pinabayaan na lang na nakatiwangwang ang kalye.
Kaya naman nang sunod-sunod ang malalakas na pagbuhos ng ulan bunga ng mga nagdaang bagyo, nagkaroon ng malalaking hukay sa kalye na perwisyo para sa mga nagdaraang residente, may sasakyan man o wala.
Halos ang mga residenteng may sariling sasakyan ay ayaw nang umuwi dahil nga naman sa hirap na pagdaraanan sa pagtahak sa nasabing kalye.
Maging ang mga sumasakay lang sa mga tricycle o motor ay nahihirapan sapagkat para silang mga duhat na inaalog sa loob ng isang mangkok para lumambot.
Sa pagdating sa bahay, halos parang lantang gulay dahil sa pagkakaalog sa sasakyan. Pagod na sa maghapong trabaho sa opisina o eskuwela, hilong-hilo at nanlalambot pagdating sa bahay dahil sa pagkakaalog sa sasakyan.
Sakaling walang plano ang Manila Water na isaayos ang kalye sa Llano, sana naman ay makita ni Mayor Oscar Malapitan ang ginawang perwisyo ng Manila Water sa kanyang mga pinaglilingkuran.
Siya na sana ang gumawa ng paraan upang maisaayos, tutal pamahalaang lungsod naman ang isinasangkalan ng Manila Water na nagbigay sa kanila ng permiso na maghukay.
Baka naman gusto rin ni District 1 Rep. Atty. Recom Echiverri na gumawa ng paraan upang maisaayos ang kalye ng Llano? Aba’y hindi po magrereklamo ang mga residente kung aaksyon kayo para sa serbisyo publiko.
Siguro naman, gusto ring kumilos at gumawa ng paraan sina Councilors Along Malapitan at Susana Punzalan, kapwa ng Caloocan City District 1, upang mapagsilbihan ang mga mamamayan.
Maibsan man lang ang hirap ng mga residenteng dumaraan sa nasabing kalye na pinapangit at pinerwisyo ng Manila Water.
Siguro naman, kayong mga kikilos, maganda nga kung magtulungan kayong mga politiko, at mababayaran din ng mga residente sa ibibigay nilang pabor sa 2016 elections.
Kung walang kikilos para sa kalye ng Llano, aba’y makabubuting mag-isip-isip ang mga residente dahil walang kwenta ang mga politikong kanilang iniluklok at iluluklok pa sa puwesto.
Nagbubutas lamang ng silya at naghihintay ng umento. PAKUROT/LEA BOTONES
