ANO ba itong ipinagmamaktol ni dating Gabriela Partylist Congresswoman Liza Maza matapos harangan ang kanyang pagtuntong sa Estados Unidos?
Aba’y galit na galit ito matapos harangan ng mga tauhan ng Korean Airlines at ng Bureau of Immigration (BI) na siya’y pasakayin sa eroplano patungong Amerika.
Paliwanag ng mga tauhan ng Korean Air at ng BI ay may natanggap silang e-mail mula sa Customs Border Protection ng US Homeland Security na nagsasaad na hindi dapat payagang makasakay sa eroplano patungong Amerika itong si Maza bagama’t may 10-year US visa.
Ooops teka, teka, teka. May US Visa pala itong si Aling Liza, eh, akala ko ba’y sagad sa buto ang pagiging Anti-American nito? Sa pagkakaalam ko kasi, eh, kapag nagsalita itong si Maza ay parang ang Estados Unidos ang pinakademonyong bansa sa buong planeta. Oh, eh, bakit may visa pala ito at ilang beses na pala siyang pabalik-balik sa Amerika!
Kaswerte ano ho samantalang milyon-milyon sa ating mga kababayan ang nagkakandarapa na makakuha ng US visa pero palaging hindi pumapasa.
Bagama’t naiintindihan natin ang pagwawala ni Aling Liza dahil imbitado nga naman siya sa isang pagpupulong doon ng tinaguriang “International People’s Tribunal on the Crimes of the Obama-Aquino regimes,” dapat din sigurong maintindihan nitong hindi naman bansa ng mga tanga ang Estados Unidos.
Eh, bakit nga naman siya papayagang tumuntong sa kanilang bansa kung ang pakay pala nito ay bastusin ang kanilang sariling Pangulo? Eh, ‘di para silang nagpapasok sa kanilang sariling pamamahay ng taong aalispusta sa kanila?
Walang dapat ikagalit si Aling Liza sa naging aksyon ng pamahalaan Estados Unidos laban sa kanya dahil kung may karapatan siya na mambato ng kamatis, itlog at ng kung ano-ano pa sa gusali ng US Embassy sa Maynila, aba’y may kapangyarihan at may karapatan din ang bansang ito na piliin at salain ang mga taong bumibisita sa kanila.
Tabla-tabla lang, ‘ika nga.
Aba’y kung ako si Aling Liza, eh, magsumbong na lang ako sa mga kasamahan ko sa kaliwa at agad na magsagawa ng mga rally sa harap ng US Embassy. Doon ay pwede siyang magsawang magngangawa kung gaano kasama ang bansang Amerika.
At kung ako naman si pareng Philip Goldberg na siya ngayong US Ambassador to the Philippines, aba’y ipawawalang-bisa ko agad ang 10-year US Visa ni Aling Liza para nga naman hindi na ito aasa na makapamasyal pa siya sa Amerika.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon, mag-e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
