MALAKING bagay para sa Bureau of Customs ang mga makabagong teknolohiya na ginagamit ngayon upang labanan ang katiwalian sa pamahalaan.
Ang lahat ng iyan ay dahil na rin sa pagsisikap ni Commissioner Ruffy Biazon na ipatupad ang mga pagbabago sa kanyang nasasakupan.
Mga pagbabagong hindi lang mga opisyal at tauhan ng Aduana ang nakikinabang subalit maging ang buong sambayanan sapagkat napipigil na ang mga smuggler sa pagpupuslit ng mga kontrabando na sanhi nang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.
Maging ang mga kagamitan sa BOC ay pawang makabago na gamit sa pag-monitor ng mga pumapasok na kargamento o produkto sa bansa.
Ang mga scanner at x-ray machines ng nasabing tanggapan ay makabago kung kaya’t hindi na makalusot ang mga mandarayang negosyante sa kanilang mga deklarasyon ng kontrabando.
Sumasakit ang ulo ng mga manlolokong mangangalakal sapagkat kaso ang isinusukli sa kanila ng pamunuan ni Biazon dahil sa kanilang ginagawang panloloko sa pamahalaan.
Malaking tulong ang mga inilunsad na pagbabago ng dating mambabatas sa kanyang nasasakupan sapagkat hindi na ito kilala bilang tanggapan ng mga tiwali at hindi mapagkakatiwalaan subalit bumabalik na ang tiwala ng mga tao sa tanggapang ito sa tulong na rin ng ‘tuwid na daan’ na tinatahak ni Biazon.
Naging panuntunan na ni Biazon na kumita ng tama ang gobyerno at huwag maging masiba sa pera. Lalong ayaw niya ang mga nasisilaw sa kinang ng salapi kaya’t kapag nagkamali ang isang tauhan, tiyak na kangkungan ang kababagsakan.
Payo nga ni Biazon sa importer, bayaran sa pamahalaan ang karampatang buwis, sumunod sa batas tulad ng pagkuha ng kaukulang import permits, presto, hindi na sasakit ang kanilang ulo.
