NANGGAGALAITI sa galit ang mga residente ng Bgy. Lusacan, Tiaong, Quezon dahil sa pagiging ‘untouchable’ ng isang peryahan na front ng iligal na pasugalan ng isang nagmamatapang na peryante na kinilala lang sa pangalang Lirio na anak daw siya ni Aling Mely.
E, ano kung anak ka ng kung sinong ina mo…para hindi ka ‘makastigo’ ay itigil mo ang pag-ooperate mo ng mga iligal sa lalawigan ng Quezon.
Ang modus-operandi ng peryanteng ito ay gawin ang “mini-carnaval” na front ng iligal na peryahan sa bawat bayan o lalawigang lalapagan nito.
Gaya ng mini-carnaval nito sa Bgy. Lusacan na para hindi disimulado na peryahan ang kalalabasan ng kanyang tinayong carnaval ay binagsakan niya ito ng mga ‘joy ride’ gaya ng ferris-wheel, carousel-horse at iba pa.
Sa totoo lang, kung gagalugarin n’yo ang kaloob-looban ng mini-carnaval na ito ay makikita ninyo na may mga nakalatag na sampung lamesa ng color game, cara’y cruz at iba pang mga iligal game.
Ang masama pa rito, pati ‘yung mga bata o menor-de-edad ay malayang nakapagsusugal sa nasabing sugalan. Nakatunganga lang dito ang kapulisan ng PNP-Quezon. Hindi ko lang alam kung magkano ang ‘goodwill’ o paunang bayad na ibinigay ni Lirio para tuluyan nang mabulag o mabingi ang mga kapulisan sa lalawigan.
Ano kaya ang masasabi rito ni Quezon Province Provincial Director S/Supt. Ronaldo Ylagan?
SCALAWAGS PNP ANG UNAHIN NI GEN. MARQUEZ
Wala pa ring tigil at kailangan na rin yata na sampulan ng bagong PNP chief na si Gen. Ricardo Marquez ang pulis na si Capt. Sicat ng PS5.
Si Capt. Sicat ang itinuturong nasa likod ng pag-o-operate ng iba’t ibang iligal na sugalan gaya ng mga video-karera (vk) at illegal horse racing sa mga presinto sa Manila Police District (MPD) gaya ng PS1, 2, 3, 5, 6, 7 at 10.
Walang ipinagmamalaki si kapitan kundi ang tsapa nito kaya hindi siya natatakot kung sinoman ang babangga sa kanyang iligal.
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lamang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA