NAGSAMPOL kahapon ang Light Rail Transit Administration ng isang makina na magpapadali raw sa pagkuha ng tiket ng mga pasahero.
Aba’y ang galing! Napakadali nga naman kumuha ng tiket sa naturang makina.
Pipindutin lang kung saan ang iyong ruta at maghuhulog ng pera sa presyong itinakda, lalabas na ang iyong tiket para makasakay sa tren.
Pero heto ang problema. Sa rami ng sumasakay sa LRT, wala ring silbi ang bilis nito kung iilang piraso lang ang ilalagay sa bawat istasyon.
Magkakaroon pa rin ng mahabang pila, gaya pa rin sa nakasanayang pagbabayad sa mga teller, lalo kung rush hour.
Sakaling tuluyang ipatupad ang paglalagay ng mga makina, mangangahulugan din ito ng pagtatanggal ng mga tauhan ng LRTA sa mga teller.
Ilang Pinoy na naman ang matatawag na jobless?
Hanga tayo sa grupong Bayan sa pangunguna ni Renato Reyes na nagsagawa ng protesta habang isinasagawa ng LRTA ang pagsasampol ng mga makina.
Pinuna ng Bayan ang malaking kalokohang ito ng ahensiya. Hindi naman talaga ang pagkuha ng tiket ang problema ng bayang mananakay sa LRT, pati riyan sa MRT.
Ang malaking problema na araw-araw ikinasasakit ng ulo ng mananakay ay ang mga bulok at kakulangan ng mga bagon na masasakyan.
Walang araw na hindi nagmimistulang pang-blockbuster sa sinehan ang pila ng mananakay sa LRT at MRT dahil kung hindi kulang ay palaging sira ang tren ng mga ito.
At onli in da Pilipins na ang mga tren ay mistulang barong-barong na butas ang mga bubong dahil sa pagtagas ng tubig mula sa air-condition.
Ang kakapusan ng tren at bulok na mga bagon ang matagal nang problemang hindi pa nasosolusyonan pero kung ano-anong kaeklayan ang ginagawa ng LRT at MRT management, masabi lang na sila ay may ginagawang solusyon.
Mga buwakanabits kayo! Nagsakripisyo ang bayang mananakay sa pagtataas ng pasahe sa pangakong isasaayos ang serbisyo ng MRT at LRT pero wala pa ring nangyayari.
Bukod sa kinabig na malaking kita sa 87% fare increase, nagbuhos pa ng bilyong pondo ang gobyerno mula sa buwis ng taumbayan para lang mapabuti ang serbisyo ng MRT at LRT. Pero ano? Bulok pa rin talaga!
Yaman din lang na walang improvement at pambobola ang ginagawa ng MRT at LRT management, ibalik na lang sa dati ang pasahe.
I-rollback na ang MRT/LRT fare! Ngayon na! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
