BILIB tayo sa pagka-henyo ng mga mambabatas pero kailangan pa silang bantayan upang mapigilan silang gumawa ng kalokohan o pansariling interes o kaya’y gumawa ng mga hakbang pabor sa mga mamamayan at iba pang mga bagay na nauukol sa bayan.
‘Pag hindi mo sila babantayan, nakakalimutan nila ang taumbayan na pinagkunan nila ng kapangyarihan sa panahon ng halalan.
Pero may katwiran ang mga anak ng tipaklong na ito.
Matapos ang halalan, bayad na umano sila sa mga botante sa pagtanggap ng mga ito ng bayad sa kanilang mga boto at may nangangatwiran pa na hindi ang mga botante ang nagpanalo sa kanila kundi ang Precinct Count Optical Scan.
Kaya tablado na ang mga botante at mamamayan?
REPORMANG AGRARYO
Ito ang isa sa mga pinakakontrobersiyal na larangan ng batas simula pa noong itinayo ang Kongreso at itinatag din ang gobyerno natin mula sa kamay ng mga Kastila, Hapon at Kano.
Ang mga sari-saring rebelyon sa Pinas mula sa Luzon hanggang Mindanao ay nag-uugat sa repormang agraryo, kasama ang pantay na karapatan sa paghawak ng kapangyarihan sa pamahalaan, na ninanais ng mga mamamayan laban sa mga dayuhan at lokal na panginoong maylupa.
Ibinabandila hanggang sa ngayon ng mga panginoong maylupa ang mga asyenda at corporate farm bilang malinaw na larawan ng pangangailangan ng repormang agraryo.
Ang mga asyenda, corporate farm at iba pang malawakan o malakihang pagmamay-ari sa lupa ng iilang pamilya at kumpanyang lokal at dayuhan ang pangunahing balakid sa “lupa para sa mga walang lupa” na katawan at kaluluwa ng repormang agraryo.
VISAYAN BLOC
Sa ngayon, mga Bro, nanganganib ang batas at programangpara repormang agraryo dahil malapit nang mag-expire ito.
Akalain ba nating ipinasa lang ng henyong liderato ng Kamara sa mga kongresman na bumubuo ng Visayan bloc ang pangunahing pagkilos para sa ekstensyon o kaya’y pagtigil na ng repormang agraryo.
Eh, sa mga balita, mga Bro, ayaw ng Visayan bloc na magkaroon ng extension ang batas sa repormang agraryo, kasama na ang paglalaan ng pondo para rito, palibhasa sila ang unang masasagasaan dahil nakararami sa mga kongresman sa bloc na ito ang panginoong maylupa.
Kaugnay ito ng nalalapit nang pagbubuo ng Kongreso ng pambansang badyet para isama sana ang pondo para sa pagbili ng lupain ng landlords para ipamahagi sa mga magsasaka.
Pero may laro rito dahil, sa totoo lang, puno rin ang Mindanao at Luzon ng mga asendero at iba pang uri ng mga panginoong maylupa.
Magtanong pa kayo sa henyo rin sa Palasyo.
Para hindi masisisi ang mga taga-Malakanyang lalo’t malapit na ang halalan at ang resbak ng milyon-milyong magsasaka sa mga presinto ng botohan ang kanilang kinatatakutan?
FOI IBINASURA
Sa limang mahahalagang panukalang batas sa kasalukuyan na binubuo ng pambansang badyet, Bangsamoro basic law, anti-dynasty, charter change at freedom of information, itong FOI ang klarong nasa basurahan.
Ang karapatan ng mga mamamayan na humalungkat sa rekord at magkaroon ng kaalaman ukol sa mga transaksyon ng mga opisyal at tauhan ng taumbayan at transaksyon mismo ng pambansa at lokal na mga pamahalaan ay ibinabasura lang ng mga kongresman.
Mayroon nang nabuo ang Senado pero nag-aantay ng pagputi ng uwak ang mga senador sa panukala naman ng mga kongresman.
Wala ring interes ang Palasyo, kahit pa ibinabandila nito ang Tuwid na Daan, na itulak ang pagsasabatas ng FOI sa bisa ng sertipikasyon na ito’y gawing urgent bill o kagyat na panukala.
Takot silang makalkal ang lahat ng Priority Development Assistance Fund, Disbursement Acceleration Program at bagong mukha ng mga pork barrel na ito?
Mismong si Senator Serge Osmena ang nasasabing sa 2015, may pork barrel na P200-milyon hanggang P1-bilyon ang mga senador.
Eh, ang mga kongresman?
Dito sana magagamit ang FOI pero inilagay nga ito sa basurahan, kasama ang anti-dynasty, ng Kongreso at Palasyo.
BADYET, BBL AT CHACHA
Itong tatlo ang gustong ipasa ng mga mambabatas. At titindig ang balahibo n’yo, mga Bro, kung bakit.
Diyan sa pambansang badyet, malaki ang ilalaan para sa pork barrel para mamantikaan ang nguso ng mga mambabatas at taga-Palasyo.
Magpapatuloy hanggang 2016 ang sinasabi ni Sen. Serge ukol sa pork barrel kahit pa tinirador na ng Supreme Court ang mga ito.
‘Pag naipasa nila ang BBL, milyong boto naman mula sa teritoryo ng BBL ang kanilang makokopo para sa 2016.
At kung magkaroon ng CHACHA, wala nang halalan at magkaroon naman ng ekstensyon hanggang sa katapusan ng mundo ang panunungkulan ng mga nasa poder ngayon.
Henyo ang mga mambabatas at mga kasabwat nila sa Palasyo.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA