MARAMI ang hirap na humula kung ano ang magiging laman ng final state of the nation address (SONA) ni Pangulong Noynoy sa Monday.
Sa sarili kong hula, hindi babanggitin ni pangulong Noynoy ang issue ng basura.
Ang basura ay basura sa anomang pangalan, kay toxic man ito o hindi, kay municipal waste man ito o hindi, kay imported man o hindi rin.
Ang Batasang Pambansa na kung saan gaganapin ang traditional Sona ay napapaligiran ng mga basura, basurang nakamamatay, at basurang mga batas na nilikha ng mga makapangyarihan sa ating lipunan.
Okay lang siguro ‘yan dahil tayo ring mga botante ang naghalal sa mga politikong ito.
Pero ang nakaaasar ay bakit ba naman mga basura ng mga taga-ibang bansa, particularly Canada, ay sa atin pa rin itatambak?
Pumayag ang ating gobyerno na tanggapin ang trak-trak na basura galing sa Canada dahil may utang na loob tayo sa Canadian government.
Nag-donate raw sa atin ang Canada noong salantain tayo ng bagyong Yolanda, mga donasyong hindi naman naramdaman ng mga nasalanta.
Maganda raw ang diplomatic relations natin sa Canada at kung ipababalik ng gobyernong Noynoy ang mga naturang basura sa Canada, malamang na makaranas tayo ng diplomatic repercussions sa kanila.
Takot ang gobyernong Noynoy na sitahin man lamang ang Canada sa pagtambak sa atin ng mga tone-toneladang basura na hihigop sa ating mga ilog at tubig na pinanggalingan ng ating mga inumin.
Napakaduwag naman ng ating gobyerno sa aking palagay.
Takot din tayo sa People’s Republic of China at maraming mga taon na nanahimik ang gobyerno natin sa pagkamkam ng China sa ating mga isla sa West Philippine Sea.
Wala raw tayong kakayahan na labanan ang China. Wala rin kayang balls ang ating mga pinuno para awayin man lamang natin ang Tsina?
Partner daw natin ang Canada kaya huwag na lang nating siyang awayin sa issue ng pagtambak sa atin ng kanyang mga basura.
Partner din daw natin ang China.
Friends daw tayo maski binobomba nila ng tubig ang ating mga mangingisda sa ating mga isla. DEEP FRIED/RAUL VALINO
