“IMPECCABLE,” o sa salitang Pinoy ay “perpekto,” ang pagtulong ng United States Naval Ship (USNS) Impeccable sa 11 mangingisdang Pinoy sa West Philippines Sea noong nakaraang linggo.
Ito Ang Totoo: patungo ang USNS Impeccable sa Subic Bay nang matanawan ang mga Pinoy sa kanilang bangkang puno ng tubig at palubog na sa dagat.
Walang pag-aatubiling iniligtas ng magkasanib na pagkilos na mga sibilyan at “navy men” ng USNS Impeccable ang 11 Pinoy na binihisan, pinakain at isinama sa Subic Freeport kung saan sila isinalin sa kustodiya ng 111th Auxillary Squadron ng Philippine Coast Guard na pinamumunuan ni SBMA Deputy Administrator (DA) Randy Escolango.
Personal na sinalubong at sinamahan ang mga mangingisda ni Escolango sa SBMA Dispensary para masuri ang lagay ng kalusugan at sa basbas ni SBMA Chairman Roberto V. Garcia, ay inihatid sa pamamagitan ng isang SBMA bus pauwi sa kani-kanilang pamilya sa Zambales.
Ito Ang Totoo: bagama’t pag-aari ng US Navy ang USNS Impeccable, hindi ito pandigma kundi pang-“survey” ng karagatan at ilalim nito.
Wala pang 50 katao ang lulan nito na pawang sibilyan liban sa ilang aktibong miyembro ng US Navy.
Ito Ang Totoo: noong 2009, makailang beses hinarass ng Chinese vessels ang USNS Impeccable sa West Philippines Sea na walang pakundangan at aroganteng inaangkin ng bansang China.
Sa magkakahiwalay na insidente, naroong harangin at sapilitang pinahinto ang USS Impeccable ng Chinese vessels, tinawiran ng paroo’t parito sa harapan ng walang abiso kung ano ang intensiyon ng mga ito, hinulugan ng mga kahoy ang harapan at minsan, nilapitan pa ng mga 25 piye na lamang.
Bomba ng tubig lang ang depensa ng USNS Impeccable na hindi naman armado dahil hindi nga military ship kaya pagdaka’y napilitang lumayo sa Chinese vessels.
Matagal na at maraming beses na nangha-harass ang bansang China sa West Philippines Sea kahit sa mga barko ng Amerikano. Paano pa kaya ang mga mangingisda nating pinagkakaitan na nila ng pinagmumulan ng kabuhayan.
Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
