MALAMANG na mapatalsik bilang pinuno ng Kamara si House Speaker Feliciano Belmonte kapag hindi ito sumuporta sa kandidatura ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.
Ito ang bulong-bulungan ngayon sa Kamara dahil mas pinapaboran ni Belmonte ang kandidatura ni Senator Grace Poe na umaarangkada ngayon sa mga isinasagawang survey ng iba’t ibang grupo.
May iba pa tayong naririnig sa Kamara na kapag sumuporta si Belmonte kay Senator Poe ay malamang na humiwalay ang ibang miyembro ng LP na supporter ni House Speaker.
Kapag ito ang nangyari, malamang na tuluyang mawawala na ang ambisyon ni Sec. Roxas na maging Pangulo ng bansa dahil alam naman natin sa ngayon na mahina ang kanyang kandidatura at lalo pa itong hihina kapag nabiyak ang kanilang partido.
Marami rin sa mga miyembro ng LP ang hindi pabor sa kandidatura ni Sec. Roxas dahil hindi nito kayang manalo sa presidential race kung ito ang ilalaban ng kanilang partido laban kay Vice-President Jejomar Binay.
Tanging si Senator Poe lamang ang maaaring tumalo kay Binay dahil sa malinis na record ng senadora at hindi rin ito nasangkot sa anomang katiwalian sa kanyang posisyon at ito rin ang kinatatakutan ng Bise-Presidente na makalaban dahil alam niya na tatalunin siya ng anak ng hari ng pelikulang Pilipino.
Marami rin sa botante ang pabor kay Sen. Poe hindi lang sa kasikatan ng kanyang ama kundi maging sa dedikasyon nito sa kanyang sinumpaang tungkulin.
Kapag tuluyang sumuporta si Belmonte kay Sen. Poe ay malamang na lalong lalakas ang kandidatura ng senadora dahil na rin sa impluwensiya nito hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.
Kilala rin si Belmonte sa pagiging leader kaya malaki ang tiyansa ni Sen. Poe na maging Pangulo ng bansa kapag tuluyang sumuporta ang ating House Speaker sa senadora.
Kaabang-abang ang magiging aksyon ng LP kapag tuluyang sumuporta si Belmonte kay Sen. Poe at ito ang ating babantayan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
