ILANG araw din namang lumabas sa balita ang bagong pinalobo na budget daw ng Department of National Defense (DND). Siyempre sino ba ang hindi matutuwa? Malaking tulong ito sa ating pambansang depensa – kung hindi uli nanakawin ng mga namamahala!
Malaki ang kulang natin sa gamit militar. Kung noon dekada 1940-1970 ay kinaiinggitan tayo sa mundo lalo na sa rehiyong Asya, ngayon, walang duda, ang Pilipinas ang pinakamahina sa larangan ng mga pambansang sandatahang lakas.
Sa isinumite na panukala ng rehimen ni Don Benigno Aquino III, daragdagan daw ang DND budget ng P29-bilyon para pambili ng mga barko na pandigma, paniniktik at operasyong military lalo na sa nangyayari sa West Philippine Sea. Ang pang-aagaw ng China sa ating teritoryo.
Good. Fine. Sana nga ay mangyari ito. Naniniwala naman tayo na maibibigay ang pondo, kaya lang, dapat ay itama ang paraan ng pagbili ng kanilang mga gamit. Kung pang-Army, hayaan ang Philippine Army ang tumukoy at mamahala sa kanilang kailangan. Ganyan din sa ibang sangay ng Sandatahang Lakas (AFP).
Idiniriin natin ito dahil marami na ang palpak na binili ang mga pinuno ng DND at AFP na dahil sa malalang korapsyon at katiwalian, maituturing na basura sa halip na pangdepensa ang mga napamili nila. MGA SWAPANG KASI SA PERA!
Halimbawa ay ang binili na Kevlar helmets sa multi-milyong halaga.
Walang nagamit sa mga ito dahil ultimong bala ng kalibre .22 ay tumatagos! Bumili ng combat shoes, nabaon lang ng kaunti sa putik ay natanggal na ang takong at swelas! Namakyaw ng bala at kanyon, halos ayaw magsiputok!?!
Kaya sana ang budget na ibinulaga ng administrasyon ay matutukan nang maigi. Huwag hayaan na ang mga kasalukuyang opisyal ng DND ang mamahala sa pagpili at pagbili ng kailangan ng Sandatahang Lakas.
Kumpleto ang sangay ng AFP na iisa ang layunin – paglilingkod sa bayan at pagdepensa sa bansa natin. Sila ang nakaaalam sa lahat ng gamit-militar na kailangan nila dahil sila ang nasa prente ng labanan, panloob man ng bansa o panlabas.
Huwag sana maulit na muli ang maanomalyang pagbili ng 21 combat helicopters na kaedad pa ni Mahoma. Huwag na sanang maulit pa ang pagbili ng supot na mga bala. Huwag na sana maulit pa ang pagbili ng mga marurupok na combat boots mula sa China.
Kung tutuusin, maliit pa ang P29B na budget bulaga ng DND para sa 2016.
Katiting lang iyan sa mga winawaldas o ibinubulsa ng mga opisyal at tauhan ng boss sa “Tuwid na Daan!” BALETODO/ED VERZOLA
