MULA nang maupo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan si Pangulong Benigno Aquino III, maraming pangako siyang binitiwan sa harap ng mga mamamayang todo-asa ang ginawa sa pag-aakalang makaaahon sila sa hirap ng buhay.
Makalipas ang limang taon, nananatiling pangako ang mga binitiwang salita ni Pangulong Aquino sapagkat hanggang sa mga sandaling ito ay pawang nganga pa rin ang mahihirap.
Walang nadamang ginhawa sa buhay.
Matatamis na salita at pangako ang ipinagkakaloob ni Pangulong Noynoy sa tuwing bubuka ang kanyang bibig, lalo na kapag isinasagawa ang kanyang State of the Nation Address.
Gumagamit pa siya ng mga testimonya at patunay subalit pawang mga bulaan ang kanyang nakukuha sapagkat bulag din ang mga ito sa katotohanang pawang drama lang ang ginagawa ni Pangulong Aquino upang makuha ang loob ng mga mahihirap na mamamayan.
Walang pakialam si PNoy kung niloloko man niya ang maraming mahihirap na kayang-kaya niyang lokohin at paasahin habang patuloy niyang pinagkakalooban ng proyektong pagkakakitaan ang mayayaman niyang kakilala at kaibigan, pwera pa ang mga kamag-anak.
Ngayong Lunes, muli na namang magngangangawa si Pangulong Aquino na patuloy na hindi maka-move on sa mga nagawa ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Muling ibibida ang nagawa ng kanyang administrayon upang umangat daw ang ekonomiya ng bansa.
Pero nakikita ba ni PNoy ang kanyang mga pinaggagagawa at naririnig ang kanyang mga sinasabi?
Dapat mamulat si Pangulong Noynoy na hindi “Daang Matuwid” ang kanyang tinatahak kundi ang landas ng nagdaang administrasyon.
Hindi nakikita ni PNoy na puro nakawan at pandarambong din ang ginagawa ng mga taong kanyang pinagkakatiwalaan.
May 11 buwan pa si Pangulong Noynoy Aquino upang magpursige na matunton ang DAANG MATUWID.
Kaya nawa’y magising na siya sa pagkakatulog upang hindi siya abutin ng bangungot. PAKUROT/LEA BOTONES