SI Krisel Mallari ay isang 16-year old high school salutatorian na pinigil ng kanyang mga teacher na ipagpatuloy ang kanyang impromptu graduation speech na tumutuligsa sa mas mababang score na kanyang nakuha sa kanyang paaralan.
Ganoon pa man ay pinayagan na rin siyang maka-graduate, ngunit ayon sa isang demandang kanyang inihain sa korte, hindi rito natapos ang kanyang kalbaryo.
Ayon sa kanya, ayaw ng kanyang dating paaralan na bigyan siya ng certificate of good moral character para makapasok siya sa college. Natalo si Krisel sa korte kaya inakyat niya ang kaso sa Court of Appeals na pumabor naman sa kanya.
Pero ayaw pa ring tumalima ang kanyang school. Malagpasan kaya ni Krisel ang bago niyang kalbaryo?
Naalala ko tuloy ang sarili kong karanasan noong high school pa ako.
Ako ay kumandidato sa pagka-Pangulo ng aming student council subalit nang mag-speech na ako ay bigla na lamang akong hinila ng isang teacher papalayo sa stage. Masyado na raw subversive ang aking talumpati ganoong wala pa akong isang minutong nagsasalita.
Second placer lamang ako sa eleksyon iyon, kaya humiling ako ng isang recount. Nagkaroon nga ng recount, at Lord! naging third placer na lamang ako matapos ang recount.
Naging editor at columnist ako ng aming high school publication pero pagsapit ng Enero, ako’y na-kick out sa iba’t ibang mga kadahilanan. Ang gradong ibinigay sa akin ay 65.
Dumulog ang nanay ko sa Department of Education upang ireklamo ang sa palagay nami’y ‘di makatarungang mga grado na ibinigay at matapos ang ilang hearing ay pumayag ang education department na lumipat ako sa ibang high school noong February, isang buwan bago mag-graduation.
Katakot-takot na remedial exam ang aking pinagdaanan hanggang nabigyan din ako ng gradong 85.
Ba’t ko ikinukwento ito?
Sadyang may mga teacher na talagang sadista at sadyang binu-bully ang kanilang mga estudyante.
May reklamo rin noon ang sikat na Amerikanong comedian na si Woody Allen: “I had a terrible education. I attended a school for emotionally disturbed teachers.” DEEP FRIED/RAUL VALINO

