ANG ika-anim at huling “State of the Nation Address (SONA)” ni President Noynoy Aquino noong Lunes ang pinakamatagal sa haba nitong dalawang oras at labingtatlong minuto.
At tulad ng mga naunang SONA, muling binatikos ni PNoy ang administrasyon ni dating President Arroyo sa katiwaliang nakabaon sa ilang ahensiya ng pamahalaan na natuklasan nang maupo siya bilang Punong Ehekutibo.
Ang paninisi sa dating administrasyon ay magagamit marahil sa loob ng isa o dalawang taon pero may nagsasawa rin na makita si PNoy na ginagawa ito sa tuwing may SONA, at sa halos bawat talumpati kapag naiimbitahan sa mga okasyong pang-gobyerno.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang naging tagumpay niya laban sa katiwalian at sa larangan ng ekonomiya. Ang pagpapaliwanag sa mga napagtagumpayan ay mas madaling tanggapin at pakinggan kaysa paninisi ng kahit sino.
Nagtapos ito sa pasasalamat ni PNoy sa sumuporta mula nang maging Pangulo noong 2010, kabilang ang mga kaalyado sa Kongreso at administrasyon hanggang sa tapat niyang yaya Yolly Yebes, na 20-taon nang naglilingkod sa pamilya Aquino.
Ang mahabang pasasalamat na ito’y naging nakababagot, at may mga namataang nilalabanan lang ang antok.
May umasa na ngayong walang isang taong nalalabi sa pamumuno sa bansa, pagtutuunan ng Pangulo ang mga problema na mag-iiwan ng pangmatagalang pamana sa mga mamamayan.
Halimbawa rito ang contractualization sa trabaho, kung saan ang mga manggagawa ay binibigyan lang ng limang-buwang kontrata upang hindi maging regular na empleyado.
Nais nilang marinig kay PNoy na hindi na papayagan ang China na mam-bully o angkinin ang ating pang-karagatang teritoryo, lalo na’t ang problema sa West Philippine Sea na humantong sa pagtatayo ng Beijing ng artipisyal na isla ay lumala sa ilalim ng kanyang termino.
Nanabik ang marami na makitang nangangako ng hustisya ang Pangulo sa pamilya ng 44 Special Action Force commandos na nasawi sa pagtupad sa tungkulin sa Mamasapano, Maguindanao nang imasaker ng mga rebeldeng Muslim noong Enero.
Nakapanghihinayang dahil parang paglalagay ng asin sa sugat, nang ipanawagan ni PNoy na maaprubahan ang Bangsamoro Basic Law na pakikinabangan ng mga rebeldeng kumatay sa ating mga bayaning pulis.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
